Thursday, July 28, 2011

2012 Olympic Clock, na-Switch on na ng UN Chief



Sinimulan nang paganahin ni UN Secretary General Ban Ki-moon ang Olympic clock para sa 2012 Olympic Games.

Ito ay kasabay din ng paglunsad ng London sa one year countdown bago magsimula ang prestihiyosong sporting event sa mundo.

Ang Olympic clock ng UN ang siyang bibilang sa araw, oras, minuto at segundong natitira hanggang sa magsimula ang 2012 London Olympics.

Dinaluhan ng mga Olympic medalists ang seremonya sa UN headquarters, kagaya nina nine-time gold medalist Carl Lewis at tatlo pang US Olympians.

Ang nasabing relo ay may logo ng 2012 London Olympics at binuksan ni Ban sa harap ng UN ambassadors at staff ng world body.

“We’ve all heard of Big Ben,” ani Ban na ang tinutukoy ay ang tanyag na relo sa itaas ng Parliament House sa London.

“Somebody suggested another possibility. Since it will be placed in the United Nations, we might perhaps name it ‘Big Ban,’” biro pa ng UN chief dahilan upang magtawanan ang mga nakikinig.
Sa London ay inimbita ni International Olympic Committee President Jacques Rogge ang mga atleta sa buong mundo na sumali sa Olympic Games, sa seremonyang ginawa sa tanyag na Trafalgar Square.

(source: Bombo Radyo)