Tuesday, November 26, 2013

Pacman sa BIR: 'Magpakatotoo sa 'freeze order'


Hinamon ngyaon ni Manny Pacquiao ang pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na magpakatotoo sa pagpataw ng 'freeze order' laban sa kanyang mga kayamanan dahil sa umano'y hindi pagbayad ng buwis na nagkakahalaga ng P2.2 billion.


Ito ang sinabi ni Pacman sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kasunod ng pahayag ni BIR Commissioner Kim Henares na hindi totoong lahat ng kayamanan ni Manny ay
apektado ng kanilang warrant of garnishment sa halip ay nasa P1,100,000 lamang ang
apektadong halaga.

Pero ayon kay Pacquiao, hindi totoong nasa P1 milllion lang ang apektado dahil maliban sa account ng kanyang misis ay pati ang accounts ng kanilang mga negosyo ay apektado ng garnishment order ng BIR kaya't hindi umano sila makagalaw ng sariling pera.

Mariin namang itinanggi ng 8-division world champion na hindi ito nakikipagtulungan sa BIR kaugnay ng sinisingil na buwis sa kanyang mga
laban sa Estados Unidos, dalawang taon ang nakaraan.

Ayon kay Pacquiao, hindi kasi kinikilala ng BIR ang kanyang kopya nang magbayad ito ng nasa P100 million buwis sa Internal Revenue Service
(IRS) sa Amerika dahil ang mismong original o authenticated copy ang kinakailangan ng tanggapan ni Henares.

Dagdag pa ng kongresista, hindi nila maibibigay ang orihinal na kopya sa BIR dahil hindi nito nagbigay ang IRS.

Dahil dito, ibinigay umano ng kampo ni Pacman sa BIR ang website ng IRS at ang control number ng kanyang pagbayad ng buwis sa Amerika ngunit wala umanong nangyari.

Hinaing pa ng kongresista, bakit napakahigpit
sa kanya ng BIR samantalang kung hindi siya
nagbayad ng buwis sa Amerika ay maaring
nakakulong na siya ngayon.

Bagamat ayon kay Manny makikipagtulungan pa rin ito sa BIR lalo't ayaw nitong makikipag-away.

Naniniwala si Pacman na may halong pulitika ang isyu niya sa BIR ngunit wala naman aniyang kinalaman dito ang Pangulong Noynoy
Aquino. Sa kabila ng isyu ay tuloy umano ang pagbibigay ng tulong ni Pacquiao sa mga
kababayang apektado ng kalamidad sa Eastern
Visayas at maaring gagawin ito sa darating na araw ng Sabado.

Bombo Radyo