Maliban sa kawalan nang sapat na suplay ng pagkain at inuming tubig, banta na rin umano sa maraming residente ng mga lugar na sinalanta ng bagyo ang kawalan ng seguridad at peace and order.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa isang residente ng Tacloban City, inihayag nito na nagkukumahog sila ngayong mag-ina na makaluwas ng Cebu dahil natatakot na rin umano sila sa talamak na kaso ng pagnanakaw at kaguluhan sa paligid.
Maliban dito, hindi na rin umano nila makayanan ang masang-sang na amoy ng paligid dahil sa mga
nabubulok na bangkay at mga basura.
"Kaya po pupunta na lang kami sa Cebu. Parang hindi kami maka-survive sa sitwasyon dito. Masama na ang hangin, magulo pa ang paligid," ayon kay Ginang Alona.
Sinasabing kaniya-kaniyang diskarte na lamang umano ang mga residente para maka-survive sa araw-araw.
"Walang relief goods, kaniya-kaniyang diskarte na lang. Iyong iba, pumapasok sa mga tindahan. Mahirap makipag-sapalaran eh."
Una rito, kinumpirma ni Cabinet Secretary Rene Almendras na marami rin silang natatanggap na apela mula sa mga taga-Tacloban na gustong umalis at lumikas muna sa mga kaanak sa ibang lugar.
"One of the requests yesterday is ang daming taga Tacloban na gusto umalis, to go to relatives.. Since Saturday, we've been airlifting people. All they have to do is go to the airport, palista. Lots of tourists. Yung backhaul ng eroplano walang laman.. They need to reach out. They need food. They need water," ani Almendras.
Source : Bombo Radyo