NAGA CITY – Tuluyan ng pumanaw ang alkalde ng bayan ng Lupi, Camarines Sur makaraan ang nangyaring pamamaril sa kaniya kahapon sa lungsod ng Naga.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga sa panganay nitong kapatid na si Bobby Matamorosa, kinumpirma nito na ala-1:30 nitong madaling araw nang bawian ng buhay si Mayor Leo Raul Matamorosa.
Maaga pa lang aniya kahapon ng abisuhan na sila ng doktor sa kalagayan ng opisyal at pinagpapa-desisyon na kung itutuloy pa ang ibang proseso.
Subalit pinanindigan nila na hanggang sa humihinga pa ang kaniyang kapatid ay hayaan lamang ito.
Una rito, tama sa ulo ang tinamong sugat ng biktima kung saan lumusot sa noo nito ang bala ng kalibre 45 baril na ginamit ng hindi nakilalang suspek.
Kaugnay nito, wala namang maisip na motibo ang pamilya ng alkalde sa pamamaril, lalo pa aniya at wala naman silang kalaban sa kanilang bayan.
Hindi naman maikonekta ng pamilya sa pulitika ang insidente lalo't ito na aniya ang huling termino ng biktima.
Bandang alas-5:00 kahapon habang nagpapaayos ng kanyang TV ang alkalde sa Sony authorized service center sa lungsod ng mangyari ang krimen.
Nasa loob ng umano ng kanyang sasakyan si Matamorosa ng biglang buksan ng suspek ang kaniyang behikulo saka ito biglang binaril.
Napag-alaman na magkakaroon sana ng pagtitipon kagabi ang pamilya Matamorosa makaraang imbitahan ng alkalde ang kaniyang mga kapatid at magulang sa lungsod ng Naga.
Source : BomBoRadyo