Saturday, October 27, 2012

6 patay, 29 sugatan sa bahay na inararo ng bus


CEBU CITY - Patay ang anim na katao habang 29 ang sugatan matapos na inararo ng bus ang isang bahay sa Barangay Lutupan, Toledo City, Cebu pasado alas-7:00 ng gabi.

Batay sa nakalap na impormasyon ng Toledo Police Office, ang Jigans Bus Liner na may plakang GXD545 ay galing ng lungsod ng Cebu at ito ay patungo ng Toledo City ng mangyari ang nasabing insidente.

Dead on arrival sina Virgilio CaƱabano Jr., Thelma Sapalay at isang lalaki ng dalhin sa Toledo District Hospital.

Patay din sina Milenda Limbang, Godez Adrian at Alejandro Melmida ng isinugod sa Carmen Copper Hospital.

Samantala, sugatan naman ang mga pasaherong sina si Ronelo Bacus, Javane Nebis, Janet Maribuhok, Ronel Lapi, Antonio Juarez, Rosalinda Serna, Alan Pastedio, Isidro Hintapa, Argie Hope Hintapa, Nanex Escribano, Alejandro Pason, Artemio Pason, Justin Arc Pason, Johayne Panandigan, Joannie Rocacurua, Joel Faeolo, Danelo Mainit, Alvin Cabellon, Teodora Canomay, Danilo Sepada, Joel Preollo, Magdalena Maribojoc, Ryan Zureta, Juremay Maguiling, Jovert Tango-an, Jordan Enriquez, Jesus Managaytay at Sinfroso Canada.

Swerte naman na nakaligtas sa kapamahamakan ang may-ari ng bahay na binangga ng bus na si Maria Bacalso at ang mga kasama nito dahil nasa loob sila ng simbahan ng mangyari ang naturang insidente.

Himala rin na nakaligtas at wala man lang galos sa katawan ang tatlong buwang sanggol na si John Arjay Pason.

Napag-alaman na pakurbada ang daan sa nasabing lugar kung saan malimit mangyari ang mga aksidente sa mga malalaking sasakyan.

Maliban dito, malaki rin ang duda ng otoridad na overloaded ang nasabing bus at mabilis ang pagpatakbo nito kung kaya't hindi na nagawang makaliko at maiwasan ang naturang bahay.

Hanggang sa ngayon hindi pa rin nakikipag-ugnayan ang nawawalang driver ng nasabing bus.

Handa namang makigpagtulungan ang kompaniyang nagmamay-ari ng Jigans Bus Liner sa mga biktima upang matustusan ang mga bayarin nito sa pagamutan.

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga otoridad hinggil sa pangyayari.

Source : BomboRadyo Philippines