May duda ang isang senador na posibleng may nangyaring “cover up” sa diumano’y paggasta ng dating opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ng P1 bilyon halaga ng kape noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Senador Franklin Drilon, maaaring pinalabas lamang na ginastos sa kape ng mga dating opisyal ng Pagcor ang P1 bilyong pondo para pagtakpan ang iba pang katiwalian na nangyari sa naturang korporasyon.
“Imposible naman ganoon karaming kape ang kanilang ininom. Sa akin, may cover up diyan at titingnan natin kung ginamit lang ang kape para itago ‘yung ibang pagnanakaw,” pahayag ni Drilon sa panayam kahapon.
Samantala, interesado naman Senador Teofisto ‘TG’ Guingona III, chairman ng Senate blue ribbon committee na “painitin” ang isyu ng P1 bilyong halaga ng kape sa pamamagitan ng pag-iimbestiga rito.
Ayon kay Guingona tatapusin namang niya ang imbestigasyon ng komite sa maanomalyang paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ang biniling secondhand na helicopter ng Philippine National Police (PNP), bago pakuluin ang maanomalyang ginastos sa kape ng PAGCOR.
“Yes, iimbestigahan natin iyan,” pagdidiin ni Guingona.
Sinabi pa ni Guingona na makikipag-ugnayan muna sila sa bagong board ng Pagcor para makuha ang mga dokumento hinggil sa naturang anomalya bago nila simulan ang kanilang imbestigasyon tungkol dito.
Sa ikalawang state of the nation address (SONA) ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso noong Lunes, ibinunyag ng Pangulo ang mahigit sa P1 bilyong ginastos ni dating Pagcor Chairman Efraim Genuino para sa kape.
Inamin naman ni Drilon na ikinagulat niya ang rebelasyon ng Pangulo dahil pati na ang kape ay ginamit na pantakip sa pangungurakot ng pondo ng Pagcor.
“Nagulat ako, ‘yung extent ng corruption is something that is indeed beyond imagination,” ani Drilon.
Maging ang kasalukuyang Pagcor chairman na si Cristino Naguiat Jr. ay labis ding nagulat sa nasabing anomalya na kanyang tinuran na ‘scandalous’, ‘outrageous’, ‘offensively excessive’ ang nagawang anomlya ng dating Pagcor management.
Batay umano sa kanilang nakuhang dokumento ng kasalukuyang Pagcor management, nabunyag na ang state-owned gaming firm ay nagbayad ng mahigit isang bilyong piso para sa kape na sinisilbi sa mga casino costumer sa ilalim ng pamamahala ng Genuino at ng board nito simula Agosto 2001 hanggang June 2010.
Umaabot umano sa P700 milyon ang napunta sa concessionaire na Promolabels Specialty Shop para sa pagse-serve ng mga coffee products sa pitong casino branches ng Pagcor.
Lahat umano ng kontrata ay pirmado umano ni “Lot Manalo”.
Lumabas na si Manalo ay asawa ni Johnny Tan, kilalang kaibigan ni Genuino. Si Johnny Tan ay konektado rin sa Bida partylist, isang political group na identified kay Genuino. Si Tan ay second nominee umano ng BIDA partylist ng nagdaang 2010 elections.