May kabuuang 7,000 domestic helper na patungo sana sa Saudi Arabia ang pinigil ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at hindi na prinoseso ang kanilang mga papeles para makalabas ng bansa bunsod ng pinaiiral na “Saudization” ng Kingdom Ministry of Labor.
Ayon kay POEA Administrator Carlos Cao Jr., simula noong Marso 12, 2011 ay sinuspinde na ang verification at authentication ng mga dokumento ng mga household service workers na patungo ng Saudi.
Ipinatupad ng gobyerno ng Saudi ang hindi na muna pagkuha ng mga DH sa Pilipinas bilang protesta sa mahigpit umanong requirements na ipinatutupad ng Philippine embassy sa Riyadh sa lahat ng Saudi employers.
Layunin ng gobyerno ng Pilipinas na lahat ng DH at family driver na papasok at magtatrabaho sa Saudi ay bigyan ng $400 na buwanang suweldo habang ang gobyerno ng Saudi ay nagsabing $240 lamang ang kanilang maaaring ibigay na sahod.
Bunsod ng nasabing requirement kaya pinasimulan noong July 2 ng Kingdom’s Ministry of Labor ang Saudization policy o hindi na pagkuha ng mga Filipino domestic workers at mula noon ay umaabot na sa 7,000 DH ang hindi nakalabas ng Pilipinas para magtrabaho sa Saudi.
(source: Pilipino Star Ngayon)