NEW YORK - Apektado na ang stock market ng Amerika sa pangamba ng mga mamumuhunan kaugnay sa nakaambang fiscal cliff sa US.
Bumagsak ang Wall Street matapos na dalawang araw na lang bago ang deadline, wala pa ring napagkakasunduan sina US President Barack Obama at ang US Congress para pigilan ang fiscal cliff.
NEW YORK - Apektado na ang stock market ng Amerika sa pangamba ng mga mamumuhunan kaugnay sa nakaambang fiscal cliff sa US.
Bumagsak ang Wall Street matapos na dalawang araw na lang bago ang deadline, wala pa ring napagkakasunduan sina US President Barack Obama at ang US Congress para pigilan ang fiscal cliff.
Ang fiscal cliff ay ang sabay na pagtaas ng babayarang buwis ng mga mamamayan ng Estados Unidos at spending cuts ng gobyerno na epektibo pagsapit ng January 2013.
Kapag natuloy, sinasabing mahuhulog muli sa recession ang pinakamalaking ekonomiya sa mundo.
Ang Dow Jones industrial average ay bumaba ng 158.20 points kung saan ang pinakamalaking lugi nito ay naitala 20 minuto bago magsara ang kalakalan matapos kumalat ang report na walang panibagong budget proposal si Obama sa pakikipagpulong nito sa mga congressional leaders.
Bumagsak din ng 15.67 points ang Standard and Poor 500 index habang ang Nasdaq ay 25.59 points.
Gayunpaman, sinikap pa rin ng White House at mga mambabatas na magkaroon ng last minute effort.
Higit isang oras na nag-usap sina Obama at congressional leaders sa White House.
Sinabi ni Obama na umaasa pa rin siyang may mabuo silang kasunduan hanggang sa Lunes.
"I'm optimistic we may still be able to reach an agreement that can pass both houses in time," ani Obama.
Tiniyak naman ni Senate Majority Leader Harry Reid na gagawin ang lahat para hindi na umabot pa ang bansa sa fiscal cliff habang si Republican leader Sen. Mitch McConnell ay umaasa ring magkaroon sila ng kasunduan bago ang deadline.
Isinusulong ni Obama na taasan ang buwis na binabayaran ng mga mayayaman, bagay na tinututulan naman ng Republicans.
Ayon kay Obama, sakaling walang mabuong kasunduan, kaniyang inaasahan na ihahain ni Sen. Reid ang batas para pigilan ang tax increase na malaking hamon sa Republicans kapag tinutulan ang panukala lalo't sa opinion survey, lumalabas na kapag mahulog sa recession ang bansa, ang oposisyon ang sisishin dahil sa pagharang umano sa mga panukala ni Obama bunsod ng dibisyon sa pulitika sa Washington. (AP,BomboRadyo)