Bahagyang humina at bumagal ang Bagyong Pablo.
Sa 4:00am bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang sentro ng bagyo sa 700 kilometers (km) timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 175 km per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong 210 kph.
Kumikilos ito pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 24 kph.
Una nang pumasok si Pablo alas-6:00 Linggo ng gabi, mas maaga kaysa sa naunang pagtaya.
Nakataas na ang signal no. 2 sa Surigao del Sur at northern part ng Davao Oriental.
Signal no. 1 naman sa Siquijor, Bohol, Biliran, Camotes Island, Southern Leyte, Leyte, Eastern Samar, Western Samar, Surigao del Norte, Siargao Island, Dinagat Island, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Rest of Davao Oriental, Davao del Norte kabilang ang Samal Island, Compostela Valley, Bukidnon, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Camiguin, Lanao del Norte at Lanao del Sur.
Taglay ni Pablo ang heavy to intense rains o 20 hanggang 30 millimeters per hour (mm/hr).
Inaabisuhan ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot.
Binabalaan din ang mga residente sa mga lugar na nasa ilalim ng public storm signal sa posibilidad ng landslide at storm surge lalo na sa mababang lugar at malapit sa mga ilog at dagat.
Inihayag naman sa DZMM TeleRadyo ni PAGASA weather forecaster Connie Rose Dadivas na inaasahang tatama sa kalupaan si Pablo Martes ng umaga.
Sa Metro Manila, inaasahang mararamdaman ang mga pag-ulan sa Miyerkules o Huwebes. (DZMM)