Friday, November 2, 2012

Security ni Obama, nag-suicide matapos imbestigahan sa illicit affair sa dayuhang babae


WASHINGTON - Patay ang Secret Service agent na isa sa mga security detail ni US President Barack Obama nang mag-suicide matapos imbestigahan dahil sa pakikipagrelasyon sa isang dayuhan.

Si Rafael Prieto ay may asawa at mga anak ngunit nabunyag na ilang taon na itong may relasyon sa isang Mexican, lingid sa kaalaman ng Secret Service Agency.

Si Prieto ay nakatalaga sa security detail ni Obama bagama't off duty ito nang maganap ang suicide incident.

Ang pakikipagrelasyon ni Prieto sa isang Mexican ay ibinunyag ng isa sa mga kapwa agent na nadawit sa Colombian prostitution scandal na kinasangkutan ng ilang kasapi ng ahensiya.

Batay sa panuntunan ng Secret Service, ang sinumang kawani ng ahensiya ay kailangan ipaalam sa pamunuan kapag nakipagrelasyon sa isang dayuhan upang matiyak na ang kanilang karelasyon ay hindi banta sa seguridad ng Amerika.

Bagama't lumalabas sa imbestigasyon na wala namang banta sa seguridad ang illicit affair ni Prieto, paglabag pa rin ito sa panuntunan ng Secret Service.

Si Prieto ay 22 taon nang nagtatrabaho sa Secret Service.

Sa inisyal na imbestigasyon, carbon monoxide poisoning ang sanhi ng pagkamatay ni Prieto.

Ayon kay Secret Service spokesman Edwin Donovan, hindi matatawaran ang naging dedikasyon ni Prieto sa ahensiya at nagluluksa aniya sila sa pagkawala nito.

"Rafael Prieto had a distinguished 20-year career with the Secret Service that was marked by accomplishment, dedication and friendships," ani Donovan. "The Secret Service is mourning the loss of a valued colleague." (AP)

Source : BomboRadyo