SACRAMENTO - Lumasap ng unang pagkatalo ang bagong coach ng Los Angeles Lakers na si Mike D'Antoni matapos na pahiyain ng worst team sa Western Conference na Sacramento Kings, 97-113.
Bago ito, may tatlong sunud-sunod na panalo na ang LA.
Mistulang bumalik umano ang Lakers team sa dating problema bago sinibak ang kanilang coach na si Mike Brown.
Para naman sa Kings, nagawa nilang tuldukan ang five-game losing streak.
Hindi umubra ang pagpipilit ni NBA superstar Kobe Bryant na maiangat ang team sa kabila ng kanyang 38 points.
Naging matagumpay naman ang ginawang tulong tulong nina Marcus Thornton na may 23 points, Tyreke Evans na gumawa ng 18 puntos at Jason Thompson na nagdagdag ng 13 points at 10 rebounds.
Nagawa pa nilang lumamang ng 10-puntos sa unang bahagi ng fourth quarter upang ipalasap sa Lakers ang panibagong setback.
Napansin na ilang beses pang nagsisigaw si D'Antoni upang mabuhayan ng loob ang kanyang mga bata sa hardcourt.
Pero bigong mapantayan ng koponan ang ipinakitang mabilis na laro ng Sacramento.
Kung tutuusin bumagal pa ang pacing ng Lakers.
Habang nasa kasagsagan ng pamamayagpag ang Kings sa fourth quarter sa 88-78 abanse, ay humingi ng timeout si D'Ántoni upang bigyang focus ang mistulang nanlulupaypay na koponan.
Pero hindi pa rin ito umubra.
Sa darating na mga laro mas lalong mahahamon ang kalidad ng inspirasyon na ipinapasok ni D'Antoni sa team kung saan makakaharap ang Memphis sa Sabado at sa Linggo naman ay kontra Dallas.
Ang point guards na sina Steve Nash at Steve Blake ay inaasahang hindi pa rin makakalaro sa darating na dalawang games dahil sa injuries. ( BomboRadyo )