Wednesday, October 17, 2012

NCAA UNAHAN SA GAME ONE


Matapos ang halos apat na buwan, maghaharap para sa kampeonato ang defending champion San Beda College at host Colegio de San Juan de Letran ngayon sa pagsisimula ng best-of-three Finals ng 88th season ng NCAA men's basketball tournament sa MOA Arena.

Nakatakda ang Game One ng Red Lions at Knights sa alas-sais ng gabi.

Maagang paboritong manalo ang San Beda bunga ng kalamangan sa championship experience, lalo na't ikapitong sunod na taon na nilang nasa ganitong senaryo, habang ang Letran ay unang beses pa lang makalipas ang limang taon.

Dagdag pa dito ang pananalasa ng Mendiola-based squad sa mga taga- Intramuros sa dalawang pagkikita nila sa eliminations, pero para kay Nigerian center Ola Adeogun ay hindi na ito mahalaga.

"Letran is not the team that we beat before," sabi ng 6-foot-8 na si Adeogun dahil apat na beses pinatumba ng Letran ang powerhouse San Sebastian College, dalawa dito ay sa semifinals kaya nakapasok sila. "This is gonna be a good and an exciting match."

Iba na nga naman ang Knights na tinalo nila noon ng SBC at napatunayan nila ito nang masaksihan nila ang pagputok ni Kevin Alas na tumipa ng career-best 43 points sa Final Four, bukod pa dito ang walong magkakasunod na panalo, habang ang pinakamaliit na manlalaro sa court na si Mark Cruz ay dalawang 20 markers ang ginawa.

"Kevin (Alas) is playing big, he can step up big time, as well as Mark (Cruz) who plays like he is the biggest guy on the court," dagdag pa ni Adeo­gun.

Samantala, magbabakbakan muna ang reigning Juniors champion San Beda Red Cubs kontra San Sebastian Staglets sa alas-kuwatro ng hapon.

Nakatingin ang Red Cubs sa pagkopo ng ikaapat na sunod na titulo, at balak naman itong pigilan ng Staglets.

Source : Abante