Saturday, November 5, 2011

Pagkaing Panlaban sa Kanser


NOONG nakaraang linggo, tinalakay ko ang mga pagkaing maaaring lumaban sa kanser. Ito ay ang (1) green tea, (2) pagkaing may curry, (3) luya, (4) sari-saring repolyo, (5) bawang at sibuyas, at (6) madilaw at mapulang gulay at prutas tulad ng carrots, kamote at kalabasa. Heto ang anim pang panlaban sa kanser.

Tomato sauce at spaghetti sauce Ayon sa isang pagsusuri, ang pagkain ng 10 kutsarang tomato sauce bawat linggo (150 ml) ay nakatutulong sa pag-iwas sa kanser ng prostata. Ang pulang spaghetti sauce ay may lycopene na masustansya sa katawan. Umiwas lang sa pagkain ng meatball, hotdog at ham dahil hindi ito maganda sa mga taong may kanser.

Taho at tokwa Ang soy products tulad ng taho at tokwa ay may sangkap na genistein, na maaaring makatulong sa pag-iwas sa breast cancer. Sa isang pagsusuri sa Asia, ang mga babaing malakas kumain ng taho at tokwa ay mas hindi tinatamaan ng breast cancer. Kaya, imbes na uminom ng gatas, puwede kang mag-soya milk. Ang tokwa at sabaw sa miso ay mabisa din. Gayahin niyo ako na mahilig kumain sa vegetarian food (tulad ng Bodhi fastfood). Ang vegemeat ay gawa din sa masustansyang tokwa.

Shitake mushrooms na nabibili sa palengke – Ang Shitake mushroom ay may polysaccharides at lentinian, na nagpapalakas sa ating immune system (katawan). Kapag malakas ang ating immune system, mas hindi tayo magkakasakit. Sa Japan, ang mga pasyeteng nag-che-chemotherapy ay pinapakain ng Shitake mushrooms para bumilis ang kanilang paggaling.

Matatabang isda Ang mga oily fish tulad ng tuna, tamban, tilapia (3 T’s), at sardines ay sagana sa omega-3 fatty acids. Makatutulong ito sa pagbawas ng pamamaga sa ugat at panlaban din sa kanser. Kapag mas maraming isda ang iyong kaka­inin (at babawasan ang kar­neng baboy at baka), mas hindi ka magkakaroon ng kanser.

Yoghurt at mga probiotics tulad ng Yakult – Ang pagkain ng yoghurt at pag-inom ng probio-tics ay makatutulong sa pagpapadami ng good bacteria (ang lactobacillus) para sa ating tiyan. Gaganda ang ating pagdumi at makaiiwas tayo sa kanser sa tiyan (colon cancer).

Strawberries, blueberries at cranberries Ang mga ito ay may sangkap na ellagic acid at polyphenols, na tumutulong sa pagtanggal ng cancer cells sa katawan.
Tandaan, para ma­­ka­iwas sa kanser, damihan po ang pagkain nitong 12 anti-cancer foods, at bawasan ang pagkain ng mga bad foods, tulad ng taba, karne, soft drinks at sitsirya.

Source Philippine Star