Ipinaabot ngayon sa Bombo Radyo ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone na may natanggap siyang impormasyon na 300 katao ang pinangangambahang patay sa kaniyang distrito dahil sa hagupit ng super typhoon Yolanda.
Ayon kay Evardone, ilang tauhan ng Plan Philippines, Red Cross at local officials ang nagtungo sa ilang bayan sa Eastern Samar gamit lamang ang motorsiklo upang makita ang lawak ng pinsala.
"Nag-motor lang po sila para makarating doon. Hindi kasi kaya ng mga malalaking sasakyan na makatawid dahil may mga putol na tulay at maraming nakatumbang puno at poste.May impormasyon po 200-300 ang patay, pero hindi pa po 'yan nakumpirma ng ating authorities," wika ni Evardone sa panayam ng Bombo Radyo.
Dahil dito, plano ng mambabatas na magtungo sa kanilang lugar upang makapagdala ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga biktima ng sama ng panahon.
Sinisikap din umano nilang makahanap ng communication device na maipapagamit sa mga residenteng ibig ma-contact ang kanilang mga nangangambang kamag-anak sa ibang bahagi ng bansa.
Bombo Radyo