Tuesday, August 14, 2012

UNTV at ADD, Namigay ng Pagkain sa mga Nasalanta ng Baha


MANILA, Philippines – Nagsagawa rin ng relief operations ang UNTV at ang grupong Ang Dating Daan (ADD) sa mga naapektuhan ng matinding pagbaha sa Metro Manila.

Bukod dito, hinatiran rin ng UNTV news and rescue team ng tubig at pagkain mga nasa evacuation centers gayundin ang mga na-stranded sa mga binahang ospital.


Kahapon ay nagtungo sa Delos Santos Medical Center ang grupo para mamahagi ng mga pagkain at inumin sa mga pasyente at medical staff na stranded sa ospital.

Wala ring kuryente at malinis na tubig ang ospital kaya’t laking tuwa ng mga ito nang matanggap ang relief goods.


Nagtungo rin sa Barangay Bagong Silangan ang grupo, kasama ang ilang sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para mamigay ng pagkain sa mahigit 2,000 katao na nasa evacuation centers.

Halos 2,000 katao rin ang nabigyan ng mga pagkain at inuming tubig sa Barangay Malanday sa Marikina.


Nagpa-abot naman ng pasasalamat kay Bro. Eli Soriano at Kuya Daniel Razon sa mga natanggap na tulong ang mga kababayang naapektuhan ng pagbaha.

Namahagi rin ng pagkain ang UNTV at ADD sa mahigit 1,000 residente sa Rosario Pasig City, gayundin sa Maynila, ilang lugar sa CAMANAVA Area at Muntinlupa City. (Ito ang Balita ni Mon Jocson/Ruth Navales, UNTV News)