Monday, October 3, 2011

Mga Pinoy Yayaman na sa 2024!



Sa taong 2024, yayaman na umano ang mga Pinoy at matutuldukan na ang kahirapan.

Ito ang nakikitang pag-asa nina Vice President Jejomar Binay at Gawad Kalinga founder at chairman Tony Meloto sa ika-8 taong anibersaryo ng Gawad Kalinga at ng Pilipinas Natin-GK National Building Expo na ginawa sa UST, Manila.

Ayon kay Binay, sa harap ng may libo-libong katao na nakiisa sa okasyon ang pamahalaang Aquino ay patuloy na nagpupursigi na mabigyan ng sariling taha­nan at kabuhayan ang mahihirap na mamamayan sa bansa at matapos ang kahirapan sa 2024.

Sinabi naman ni Meloto, patuloy ang kanilang pa­kikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang sama-samang paglaanan ng sapat na tulong ang ma­hihirap.

Anya, tulad ng Makati City na unang nabiyayaan ng kanilang programang pabahay, 440 informal settlers dito ang nabenepisyuhan at ang adhikaing ito ay patuloy na ginagaya ng mga bansang Cambodia, Indonesia at Papua New Guinea.

Sa ngayon anya, hindi na mabilang ang mga Pinoy na nabiyayaan ng pabahay ng GK sa pakikipagtulungan ng pamahalaan. Ang GK village anya sa Baseco, Tondo na isa sa kanilang mga naitayo ay hindi nasasalanta ng kalamidad.

500 mga local na pamahalaan anya ang katulong ngayon ng GK para sa pagpapalaganap ng progra­mang pabahay sa buong bansa.

Iniulat din ni Meloto na ang 62 GK offices sa Bulacan ay patuloy din ang pagtulong sa mga nasalanta dito ng bagyong Pedring at Quiel gayundin sa Leyte at Bicol na nasalanta din ng naturang kalamidad.

Ang GK ay may 2,000 komunidad at hindi lamang pabahay ang ayuda sa mga mahihirap na mamamayan kundi mga livelihood program tulad ng paggawa ng tubig, furnitures, pagtatahi ng damit, paggawa ng salted eggs at iba pang pagkain at paggawa ng make-up upang hindi lamang bahay ang maitulong sa mahihirap na mamamayan kundi ang mga paraan para sila ay kumita at tuloy mapaunlad ang kabuhayan ng kani-kanilang pamilya.

(source: Pilipino Ngayon Star)