Wednesday, September 28, 2011

METRO MANILA TARGET BOMBAHIN NG JI AT ABU SAYYAF



Mayroong 12 na miyembro ng Jemaah Islamiyah (JI) mula sa Indonesia at Malaysia ang naghahanda kasabwat ang Abu Sayyaf Group (ASG) para maghasik ng lagim sa Mindanao at Metro Manila, ayon sa isang analyst na nakabase sa Singapore.

“Mahigpit na nagsasab­watan ang ASG at JI na aktibong nakabase sa Sulu. Ang dalawang grupo na ito ay malapit nang makumpleto ang kanilang pagsasanib.

There are still about a dozen Indonesian and Malaysian terrorists still operating in the Sulu archipelago. They are planning and preparing terrorist attacks… in Mindanao and Metro Manila,” ayon kay Professor Rohan Guna­rathna, hepe ng Management Staff ng International Center for Political Violence and Terrorism-Singapore, sa interview ng mga reporters sa kanya noong Lunes sa naganap na 8th ASEAN Chiefs of Defense Forces Informal Meeting sa Trader’s Hotel sa Maynila.

Sinabi naman nito na aktibo namang nagagampanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang kanilang tungkulin para pigilin ang planong ito ng mga terorista.

“The terrorists want to disrupt social life, they want to create fear, they want to disrupt the political pro­cess,” ayon kay Gunarathna.

Ngunit ayon kay Armed Forces’ Deputy Chief of Staff for Intelligence (J2) chief Maj. Gen. Francisco Cruz Jr., sa hiwalay na interview, sa kanilang pagkakaalam ay apat lamang na JI ang nasa Sulu.

“We’ve identified four in Mindanao, particularly in Sulu,” ani Cruz.

Kinumpirma pa ni Cruz na sa mga nakalipas na panahon ay nagsilayasan sa Maynila ang mga ele­mento ng JI dahil sa pina­tinding intelligence ope­ration. “Marami sa kanila ang umalis sa Manila at bumalik sila sa Indonesia, bumalik sila sa Malaysia dahil napapaso na sila sa Sulu at Basilan,” ani Cruz.

Ayon naman kay Gunarathna, sinasamantala ng ASG ang tulong teknolohiya at pagsasanay sa paggawa ng bomba at paghahasik ng lagim na siyang nananatiling pangunahing problema sa seguridad at katahimikan ng Pilipinas.

Sinabi pa nito na bagama’t napatay na ang kilalang lider ng JI na sina Omar Patek, nahuli sa Pakis­tan nitong taon, at Dulmatin na napatay sa Indonesia ilang taon na ang nakakaraan ay patuloy ang aktibong pagkilos ng JI at ASG sa bansa.

Sinabi pa ni Gunarathna na ang banta ng terorismo sa Southeast Asia ay isang bagay na hindi dapat ipagkibit-balikat.

Mahalaga rin umano ang pagtutulungan ng United States, Pilipinas, Indonesia, Australia, Europe at iba pang bansa para mapuksa ang terorismong dulot ng JI at mga kasabwat nitong grupo.

By JB Salarzon, Abante Tonite