Wednesday, September 28, 2011

M’CAÑANG INTERESADO SA IKAKANTA NG HIGH-PROFILE WITNESS SA POLL FRAUD



Inaasahan ng Malacañang na makakatulong ang inaasahang paglantad ng umano’y “high-profile witness” sa 2004 at 2007 poll fraud upang lumabas ang katotohanan sa isyung dayaan sa national elections.

Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, interesado sila na i-monitor ang kaganapan sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa paglantad ng sinasabing “high-profile witness” na ito.

Gayunpaman, wala pa umanong ideya si Valte kung sino ang lalantad na “high-profile witness” na ito na sinasabi ni Justice Secretary Leila De Lima.

Maliban dito ay umiwas din muna ang Malacañang na magsalita sa isyu upang hindi umano mapangunahan ang gaga­wing pagbubunyag ng DOJ sa nasabing bagay.

Naunang ibinunyag ni De Lima na may isang high-profile witness ang ihaharap ng DOJ at Commission on Elections (Comelec) na magbibigay ng detalyadong impormasyon kung paano nagkaroon ng dayaan noong 2004 at 2007 election.

“This week, I am expecting the witness who has already accessed Chair (Sixto) Brillantes. According to Chair Brillantes, he has already spoken with the witness who has already written his affidavit. But he will inform me when he can be presented,” ani De Lima sa isang press briefing.

Source [ AbanteOnline ]