Wednesday, August 31, 2011

Sigaw ng Public School Teachers sa DepEd: Filipino Gamitin sa Pagtuturo sa K-12



Hiniling ng mga guro sa pampublikong paaralan sa Department of Education [DepEd] na mas lalong palawakin ang pagtuturo gamit ang Filipino upang lubos na maunawaan ng mga mag-aaral ang kanilang aralin sa pagpapatupad ng K to 12 system.

Sinabi naman ni DepEd Undersecretary Yolanda Quijano, sa pagpapatupad ng K to 12 system ay hindi lamang ang paggamit ng Filipino ang kanilang nais ipagamit sa mga guro sa pagtuturo kundi maging ang native mother tongue.

Iginiit naman ng mga guro na dapat ay mas malawak ang pagtuturo sa wikang Filipino upang lubos na maunawaan ng mga mag-aaral ang kanilang aralin.

Isa sa mga guro na dumalo sa Pambansang Kumperensiyang Pang­wika ng Komisyon ng Wikang Filipino Ikalawang Serye na ginanap sa Bayview Hotel, hindi lamang mapapalawak ang paggamit ng wikang Filipino kundi mas lalong mauunawaan ng mga mag-aaral ang kanilang aralin kung ang pagtuturo sa wikang pambansa kaysa sa wikang banyagang ingles.

Idinagdag pa ng isang guro, hindi batayan ng pag-unlad ang pagiging mahusay sa salitang ingles dahil pinatunayan na ito ng South Korea, Japan at iba pang bansa na mas minahal ang kanilang sari­ling wika kaysa maging magaling sa pagsasalita ng ingles.

Aniya, naging maunlad ang kani-kanilang mga bansa kahit hindi sila maga­ling sa salitang ingles kaya malinaw na hindi ang pagiging maga­ling sa ingles ang magi­ging batayan ng pag-unlad ng isang bansa.

“Magaling nga tayo sa salitang ingles pero ito ay nagiging armas lamang natin upang maging domestic helper o katulong lamang sa ibang bansa,’ dagdag pa ng isang guro.

Nilinaw din ni KWF chairman Jose Laderas Santos, hindi lamang sa buwan ng wika dapat ipakita ng taumbayan ang pagmamahal sa sariling wikang Filipino kundi sa araw-araw.

Siniguro din ni chairman Santos ng KWF na handang tumulong ang komisyon sa DepEd sa pagsasalin sa Filipino ng module na gagamitin sa pagtuturo sa lahat ng asignatura sa pagpapatupad ng K to 12 system.

Source: Pilipino Star Ngayon