Photograph UNTVWEB
TAGUIG CITY, Philippines — Eksakto alas-otso kahapon ng umaga nang dumating sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig si Pangulong Benigno Aquino III.
Sinalubong ang Pangulo ng arrival honors sa pangunguna ng mga miyembro ng Philippine Army.
At bilang pagbibigay pugay sa mga bayaning nakahimlay sa nasabing libingan, nag-alay ang Pangulo ng bulaklak sa dambana ng mga yumao.
Sa kaniyang talumpati, binalikan ng Pangulo ang ilang mga tagpo ng kabayahihan sa kasaysayan.
Binanggit niya na ilan sa mga nakatalang pangyayari sa ating bansa ay naganap sa buwan ng Agosto gaya ng Unang Sigaw ng Himagsikan, ang pagtatapos ng World War 2, ang kamatayan ng kaniyang ama at ina at ang Plaza Miranda bombing na halos umubos sa mga miyembro ng Liberal Party noon.
“Marahil angkop nga pong sa pagtatapos ng Agosto, ipinagdiriwang din natin ang Pambansang Araw ng mga Bayani. Subali’t tulad ng mga bagay na nakasanayan nang gawin, tila nababalewala na ang tunay na kahulugan nito at nakakalimutan na ng marami kung para saan at kung bakit ba natin ito ipinagdiriwang. Isang paraan po natin ito upang lalo pang tumatak sa ating mamamayan ang halaga ng pagsisikap at sakripisyo ng ating mga bayani, araw-araw itong isabuhay, upang huwag na nating maulit pa ang mga kamalian ng nakaraan,”ani Pangulong Aquino.
Samantala, pinasalamatan din ng Pangulong Aquino ang mga sundalo at beterano sa kanilang ginawang pagseserbisyo sa bansa.
Ipinangako ng Pangulong Aquino na mas pagbubutihin pa nito ang health services para sa mga beterano sa pamamagitan ng pagbibigay ng akreditasyon sa halos 300 ospital sa bansa.
“Asahan niyong puspusan na isasakatuparan ng gobyerno ang mga programa para sa inyo upang suklian ang walang-humpay ninyong paglilinkod sa bayan .Nasa likod na po ninyo ang gobyerno upang alalayan kayo at tugunan ang mga kakulangan sa natanggap ninyong serbisyo,” ang pangako ni Pangulong Aquino.
Continue Reading at UNTVNEWS