Kapansin-pansin na nasasanay na ang mga Pinoy na may bitbit na de botelyang tubig kahit saan ito mapadako. Sa katotohanan ang bottled water ang pangalawa sa sikat na inumin, kasunod ng mga paboritong mga softdrinks.
Kapag panahon ng “dengue fever infections”, ipinapayo ang madalas na pag-inom ng tubig ng walong basong tubig sa maghapon.
Ang tubig ay nararapat na pamalit sa nawawala ring fluid sa katawan sa araw-araw. Ayon nga kay Dr. Joan Koelemay, dietitian para sa Beverage Institute, ang nawawalang fluid sa katawan ay mula sa lumalabas sa balat o pawis; sa ating paghinga; sa dyinggel at maging sa pagdumi at lahat ay kailangang mapalitan. Kapag ang lumabas na tubig ay di napalitan maaaring humantong ito sa dehydration.
Maraming nawawalang fluid kapag mas mainit ang panahon, pag matindi ang ehersisyo o nasa mas matataas na lugar at sa mga mas may edad.
Halaga ng tubig:
1. Nakakatulong para maayos ang timbang ng Body Fluids. Ang katawan ng tao ay binubuo ng 60% tubig. Katulong ito sa pagtunaw ng pagkain; pagsipsip ng sustansiya, pagpapadaloy ng dugo; paglikha ng laway; paghahatid ng mga sustansiya; at pagpapanatili sa temperatura ng katawan.
Sa pamamagitan ng “posterior pituitary gland”, ipaparating ng ating utak sa ating bato kung gaano karami ang kailangan ibawas na tubig sa pag-ihi o kailangang pigilin bilang reserba. Kapag kulang sa tubig, paiiralin ng ating utak ang pagkauhaw ng katawan. Kaya’t kung di masama sa iniinom na gamot, kailangang uminom kaagad ng tubig, juice, gatas, kape, o kahit ano pa wag lang alak.
2. Katuwang sa pagkontrol ng calories. Samantalang walang taglay na kapangyarihan ang tubig sa pagbabawas ng timbang, ang gamit na pamalit sa ibang inumin ay sadyang mabisa ang tubig. Ayon nga kay Dr. Barbara Rolls, researcher mula sa Penn State at may-akda ng The Volumetrics Weight Control Plan, ang mabisa sa tubig ay ginagawa itong pamalit sa mga inuming mayaman sa calories. Walang madyik pero mabisa ang tubig.
3. Tulong para lumakas ang muscles. Ang mga selula na hindi napapanatili ang balanse sa fluid at electrolytes ay kumukulubot at dahilan ng paghina ng muscle. Kapag walang sapat na fluid ang muscle cells hindi gumagana ng maayos at ang ating performance ang naapektuhan.
4. Tulong sa pagganda ng kutis. Ang ating balat ay nagtataglay ng maraming tubig na nagsisilbing proteksyon kontra sa labis na pagkawala ng tubig. Subali’t huwag akalain na ang over-hydration ay magiging daan para maalis ang inyong kulubot. Ayon kay Dr. Kenneth Ellner, dermatologist mula sa Atlanta, ang dehydration ay lalong nagpapatuyo at nagpapakulubot sa balat.
5. Tulong sa inyong kidney. Ang tubig sa katawan ang nagdadala ng dumi palabas at papasok sa mga selula. Ang pinakalason sa katawan ay tinatawag na blood urea nitrogen, tubig din na dumadaan sa ating kidney at nailalabas bilang ihi. Ang ating bato ang may kakaibang trabaho na nililinis ang ating katawan sa mga lason basta’t may sapat na tubig.
Kapag di sapat ang tubig nagkakaroon ng urine concentration, makulay at may amoy ang ihi. Mag panganib din na magkaroon ng kidney stones o prob-lema sa bato kapag kulang sa tubig lalo na sa maiinit na lugar.
6. Tulong para sa normal na pagdumi. Ang maayos na tubig sa katawan ay malaking tulong sa gastrointestinal tract at naiiwasan ang di matunawan.
Source: Abante Online