by Nonnie Ferriol/Jun Tadios Abante online - Kasabay ng pangangalampag sa lahat ng school authorities sa buong bansa na regular na makipag-ugnayan sa mga barangay officials para sa pagmamantine ng kalinisan ng kanilang bisinidad, inalerto rin ng Department of Education (DepEd) ang mga school clinics na maging handa sa mga mabibiktimang titser at estudyante.
Hinikayat ni DepEd Sec. Armin Luistro ang mga guro at mag-aaral na agad magpatingin sa mga school doctors sa unang sintomas pa lang ng dengue gaya ng simpleng lagnat at pananamlay ng katawan.
Sa Quezon City, pinakilos na rin ng local na pamahalaan ang lahat ng institusyon at tanggapan na kanilang nasasakupan para magsama-sama sa kampanya kontra dengue matapos bansagan ng Department of Health (DOH) ang lungsod bilang isang dengue hotspot.
Ayon kay Mayor Herbert Bautista hindi na biro ang 100% pagsirit ng bilang ng dengue cases sa Quezon City.
Inatasan nito ang city health office ng city hall na pangunahan ang kampanya para apulahin ang lumalalang kaso ng dengue sa siyudad.
Sa ulat ni City Health Officer Dr. Antonieta Inumerable, tumaas nang mahigit 100% ang dengue cases sa QC sa loob lamang ng unang pitong buwan ngayong taon kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2010.
Halos dumoble rin ang casualty o bilang ng namamatay sanhi ng dengue ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.