Wednesday, August 10, 2011

Dengue alert itinaas: 32 patay



Nina Mer Layson at Joy Cantos (Pilipino Star Ngayon) - MANILA, Philippines - Inalerto na ng Department of Education ang mga paaralan sa bansa laban sa sakit na dengue matapos isailalim sa state of cala­mity ang Ilocos Region dahil umabot na sa 32 katao ang namamatay habang 4,665 pa ang dinapuan ng sakit at patuloy ang pagdami ng naoospital.

Pinag-iingat ni DepEd Secretary Armin Luistro ang mga mag-aaral, gayundin ang mga guro, na kaagad na magpatingin sa kanilang school clinic doctor sa sandaling makaramdam sila ng sintomas ng naturang sakit, dahil wala namang edad na pinipili ang sakit.

Ilan sa sintomas ng dengue ay mataas na lagnat, rashes at matinding pananakit ng ulo.

Sa ipinalabas na ulat kahapon ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, mula Enero hanggang Agosto 2, 2011 tumaas ng 222 % ang kaso ng dengue sa Ilocos Region pa lamang sa loob ng mahigit sa 7 buwan.

Ang nasabing bilang ay higit na mataas kumpara sa 1,450 kaso sa kaparehong period noong 2010.

Sinabi ni Ramos na sa 32 nasawi, 17 ay mula sa Ilocos Region, 10 sa Ilocos Norte at pito sa Ilocos Sur; lima sa La Union at 10 sa Pangasinan. Noong 2010 ay nasa 22 ang nasawi sa mga dinapuan ng dengue.

Pinakamarami sa La Union na umaabot sa 1,947 katao, Ilocos Sur ay nasa 1, 244 ; Pangasinan ay aabot sa 1,006 at sa Ilocos Norte ay nasa 468 ang biktima.

Kaugnay nito, nagtatag na ng “Express Lanes “kontra dengue ang mga hospital at rural health units sa La Union at Pangasinan. Nagsagawa na rin ng fogging, fumigation at cleanup drive sa nasabing mga lalawigan.

Kasalukuyan nang nakikipagkoordinasyon ang Office of Civil Defense sa mga pharmaceutical at Healthcare Association of the Philippines upang magdala ng mga gamot sa mga apektadong lugar.

Inatasan na rin ang mga opisyal ng mga pa­aralan na makipag-ugnayan sa mga barangay officials upang masigurong mananatiling malinis ang paligid ng paaralan na isa sa mabisang paraan upang maiwasan na pamahayan ito ng mga dengue-carrying mosquitoes.