Wednesday, August 17, 2011

Dengue Hot spots sa Muntinlupa Idineklara



Nagdeklara na ang pamahalaang lokal ng Muntinlupa ng pagiging “dengue hotspot” sa Metro Manila makaraang lima na ang naitalang namatay habang patuloy pang uma­akyat ang nagkakasakit dulot ng mapaminsalang mga lamok.

Sinabi ni Muntinlupa City Health Officer Dr. Edelinda Patac na 337 porsyento na ang itinaas ng kaso ng dengue sa Muntinlupa mula Enero hanggang Hulyo kung saan umabot na sa 258 ang tinamaan nito kumpara sa 59 noong 2010.

Dahil dito, mas pinatindi pa ng pamahalaang lungsod ang kampanya laban sa dengue kabilang dito ang pagpupulong ng mga sanitary inspectors, mga opisyal ng Parents-Teachers Association (PTA), at mga prin­sipal para sa gagawing “synchronized fogging” sa mga paaralan.

Magkakaroon din ng dengue symposium at massive clean-up drive at nagpakalat na rin ng mga “Ovi trap” sa mga lugar na pinamumugaran ng lamok.

Itinanggi naman ni Dr. Patac na may “dengue outbreak” sa lungsod kundi “hotspot” lamang umano. Sinabi nito na tanging ang Department of Health ang may awtoridad para magdeklara ng outbreak.
Kabilang sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue ang Barangay Putatan, Tu­nasan, Poblacion, Ayala-Alabang, Bayanan, Cupang, Buli at Alabang.

Source: Pilipino Star Ngayon