Umaabot na sa 77 ang namatay sa Metro Manila mula sa sakit na dengue.
Ito ang nabatid mula kay Department of Health (DOH) Metro Manila Director Dr. Eduardo Janairo kung saan nasa 11, 260 dengue cases na mula Enero hanggang Agosto 11 ang naitala ng tanggapan na mataas ng 109 porsiyento kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay Janairo, nangunguna dito ang Quezon City na sinundan ng Caloocan, Maynila, Pasig at Valenzuela.
Lumilitaw naman sa record ng DOHs Regional Epidemiological and Surveillance Unit (RESU) na nangunguna din ang San Lazaro Hospital, Philippine Children’s Medical Hospital, St. Luke’s Medical Center, The Medical City at Bernardino General Hospital sa may mataas na bilang ng mga tumatanggap ng dengue patients sa Metro Manila.
Kaugnay nito, iniimbestigahan na rin ng DOH kung mayroon nang mas mabangis na virus ang dengue dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasyente at ang sintomas na pagdurugo ng mga pasyente.
Ayon sa DOH kailangan ang masusing pagsusuri upang mas mabigyan ng gabay at pag-iingat ang publiko.
Nabatid na ayaw ng lamok na may dengue virus ang kulay dilaw, berde at puti habag madikit naman ito sa mga kulay itim, asul at pula.
Gustung-gusto din umano ng mga lamok sa mapapawis na bahagi ng katawan ng tao tulad ng binti at braso.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Eric Tayag, hepe ng Epidemiology department ng DOH na kailangan ang matagal at masusing pagsusuri upang malaman kung epektibo ang halamang “tawa-tawa” laban sa dengue.
Aniya, hindi pa sapat ang pagsusuri dahil kailangang malaman kung gaano kabisa ang nasabing halamang gamot.
Ssource: Pilipino Star Ngayon)