Wednesday, July 20, 2011

Tamang Budget sa mga Proyekto Tiniyak ng DPWH



Tiniyak ng Department of Public Works and Highways na hindi mananakaw ang pondo ng DPWH sa ilalim ng administrasyong Aquino dahil sa kasalukuyang pamahalaan ay nagpapatupad ang ahensiya ng mga reporma upang mailagay sa tama ang mga pagkakagastusan sa mga proyekto ng gobyerno.

Sinabi ni Singson na alinsunod sa utos ni Pangulong Noynoy Aquino na maalis ang korapsiyon sa ahensiya, siniguro nito na tamang proyekto, tamang halaga ng proyekto at ligtas at tamang kalidad ng proyekto na may tunay na bidding ang maiparating sa mamamayan.

Mas prayoridad ng DPWH na paglaanan ng pondo ang mga national roads at mga tulay hindi tulad ng nagdaang administrasyon na kung saan saan lamang nalalagay ang pondo ng bayan na hindi naman nabebenepisyuhan ang taumbayan kundi sa iilan lamang.

Kapag naipatupad na anya ang mga priority projects sa national level ay maaari ding makatulong ang ahensiya sa mga proyekto ng mga local na pamahalaan ayon sa pangangailangan.

Sa ngayon anya ay bumabalik na ang tiwala ng taumbayan dahil sa tiwala sa pamahalaan na mapapaigting ang mga programang ipinatutupad nito para wakasan ang problema sa korapsiyon.

Sa ilalim anya ng administrasyong Aquino, patas ang gagawing bidding ng ahensiya sa mga proyekto ng pamahalaan kahit na may magalit at masaktan sa ginagawang pagrereporma sa ahensiya.

(source: Pilipino Star Ngayon)