Saturday, July 9, 2011

EUROPE, TARGET PARA SA PINOY DH


by Bernard Taguinod/Armida Rico, abante.com.ph

Kasundo ng desisyon ng mga bansa sa Gitnang Silangan na ititigil na ang pagkuha ng mga Filipino domestic helper, hinikayat ng isang kongresista ang mga Filipina na nagbabalak na mamasukang bilang katulong na targetin ang mga bansa sa Europa.

Ayon kay Valenzuela City Rep. Magtanggol ‘Magi’ Gunigundo II, walong beses na mas mataas ang sahod ng mga DH sa mga bansa sa Europa kumpara sa natatanggap ng mga ito sa Saudi.

Nauna rito ay nagpalabas na ng advisory ang Saudi Arabia na hindi na sila kukuha ng mga Pinoy DH at napaulat din na susunod dito ang bansang Oman at United Arab Emirates (UAE).


Sinabi ni Gunigundo, dating chairman ng House committee on labor, na $200 lamang ang ibinibigay ng mga employer sa Saudi sa mga DH na malayung-malayo sa E1200 na ibinibigay ng mga Europe countries.


Katumbas, aniya, ito ng P73,200 kada buwan samantalang sa Saudi ay mayroong lamang halos P9,000 kapag ipinalit na sa piso ang sahod ng mga DH sa nasabing bansa.


Ang kagandahan pa umano sa Europa, may batas na gumagalang sa mga dayuhang manggagawa kumpara sa Saudi kung saan malimit na nakakaranas ng pang-aabuso ang ating mga kababayan sa kanilang mga employer.


Samantala, malaki pa rin ang paniniwala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na hindi seseryosohin ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang Saudization program nito dahil inaasahang aabot sa 90,000 OFWs ang mawawalan ng trabaho sa sandaling maipatupad ito.


Ayon kay Atty. Romelson Abbang, director ng POEA Region 2, na hanggang sa ngayon ay wala pang report na nakakarating sa kanilang tanggapan na may mga apek tadong OFW sa naturang programa.