Ipinaaaresto na ng Quezon City Metropolitan Court Branch 42 si Robert Blair Carabuena na nanapak ng isang traffic constable noong Agosto 2012.
Nag-ugat ang warrant of arrest sa hindi pagsipot ni Carabuena at ng abogado nito sa arraignment kaugnay ng kasong direct assault upon a person of authority nang saktan nito si Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic constable 2 Saturnino Fabros.
Batay sa pahayag ng kinatawan ng law office ng abogado ni Carabuena, may sakit ang kanilang kliyente kaya hindi nakarating sa korte habang may ibang lakad naman ang abogado nito.
Inihirit na lamang ng mga ito na mai-reset ang pagbasa ng sakdal ngunit hindi pinagbigyan ng korte.
Ayon kay Presiding Judge Juris Callanta, walang legal na basehan para ipagapaliban ang arraignment dahil sa umano'y sakit ng akusado.
Bukod sa warrant of arrest, itinaas na rin sa P24,000 ang piyansa para kay Carabuena at pinagpapaliwanag din ang abogado sa hindi nito pagsipot sa korte.
Itinakda naman ng korte ang arraignment sa Marso 7, alas-8:30 ng umaga. Report from Johnson Manabat, Radyo Patrol 46
Source : DZMMNEWS