Siniguro ngayon ng Philippine football team na kanilang ibubuhos na ang lahat para matiyak ang panalo sa second leg ng kanilang laro kontra Singapore Lions sa pagpapatuloy ng 2012 Suzuki Cup.
Ayon kay Azkals coach Hans Michael Weiss, nakaatas sa lahat ng kaniyang manlalaro ang responsibilidad para maipanalo ang laban.
Maalala na nauwi sa draw o tabla ang unang laro ng dalawang koponan na ginanap sa Rizal Memorial Stadium sa lungsod ng Maynila.
“Everybody’s excited. Everybody must deliver now. You have to show on the field and do everything to if you want to be in the final," giit ni Azkals coach Hans Michael Weiss sa isang panayam.
Base sa tournament rules, maari pa ring makapasok sa finals ang Azkals kapag nagawa nilang maitabla mamaya ang laro.
Pero kapag nangyari umano ang scoreless draw, magreresulta ito sa dalawang extra 15-minute periods.
Kapag wala pa ring goal, mauuwi sa penalty shootout ang desisyon ng laban.
Tiniyak naman ni Weiss na 100 percent ang kondisyon ng lahat ng mga manlalaro, kabilang ang defender na si Jason Sabio, midfielder Chris Greatwich at striker Denis Wolf.
Inaasahan ding maglalaro mamaya ang Danish-Filipino na si Jerry Lucena para sa midfield.
“Singapore is a strong unit, has good concept, and plays to its strengths. As a coach, we have to find the formula and the right strategy. We have slight advantage on experience and hunger. I hope those can make up for that,” dagdag ni Weiss. (bomboradyo)