Hindi bababa sa 43 ang kumpirmadong patay sa nangyaring flashflood sa Compostella Valley Province sa pagdaan ni bagyong Pablo na ngayon ay dinala na sa gym ng Brgy. Andap, New Bataan, sa nasabing probinsya.
Kinumpirma ito mismo ni Lt. Col. Lyndon Paniza, spokesman ng 10th Infantry Division ng Philippine Army. karamihan sa mga naging biktima ng flashflood ay namatay dahil sa pagkalunod at natabunan ng rumagasang tubig-baha na may mga troso.
"Ang hinala natin, medyo marami-rami pa ito dahil sa kasalukuyan, hindi pa na-scour nang mabuti itong pinangyarihan ng insidente," ayon kay Paniza.
Dagdag pa ni Paniza, kasama sa nasawi ang ilang sundalo.
Sa ngayon, anim na sundalo pa ang nawawala habang hindi pa naman makapagbigay ng datos kung ilan sa mga sibilyan.
Nasa 23 naman ang sugatan bunga ng flashflood. (Report from Dennis Datu, Radyo Patrol 42)