(UPDATE) Nag-landfall na ang Bagyong Pablo sa Baganga, Davao Oriental kaninang alas-4:45 ng madaling-araw.
Alas-4:00 ng madaling-araw kanina, namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang sentro ng bagyo sa layong 40 kilometers (km) silangan ng eastern coast ng Davao Oriental.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging umaabot sa 175 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 210 kph habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 26 kph.
Nakataas ang signal no. 3 sa Southern Leyte, Bohol, Negros Oriental, Siquijor, Southern Cebu, Surigao del Norte kasama ang Siargao, Surigao del Sur, Dinagat Province, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Misamis Oriental, Camiguin, Bukidnon, Davao Oriental, Compostela Valley, North Cotabato, Lanao del Sur, Lanao del Norte Misamis Occidental, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at Davao del Norte kabilang ang Samal Island.
Signal no. 2 naman sa natitirang bahagi ng Cebu kabilang ang Camotes Island, Iloilo, Guimaras, Capiz, Leyte kasama ang Biliran, Negros Occidental, Davao del Sur, Sultan Kudarat, Zamboanga Sibugay at Maguindanao.
Habang signal no. 1 sa Palawan kasama ang Calamian Group of Islands, Ticao Island, Masbate, Northern Samar, Eastern Samar, Western Samar, Aklan, Antique, Mindanao: Basilan, Sarangani at South Cotabato.
Ayon sa PAGASA, heavy to intense rains o 15 hanggang 30 millimeter per hour (mm/h) ang sukat ng pag-ulang mararanasan sa loob ng 600 km lawak ng bagyo.
Patuloy pa ring ipinagbabawal na bumiyahe ang maliliit na sasakyang pandagat at pangisda sa eastern seaboards ng Visayas at Mindanao.
Pinag-iingat naman ang mga nakatira sa mabababa at bulubunduking lugar sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, gayundin sa storm surge lalo na ang mga residente sa coastal areas na nasa ilalim ng signal no. 2 at 3.
Lalabas ng PAR sa Huwebes
Samantala, inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) si "Pablo" sa darating na Huwebes, ayon kay PAGASA weather forecaster Bernie De Leon sa panayam ng DZMM TeleRadyo.
Sinabi naman ni De Leon na bagama't napanatili ng bagyo ang lakas at direksyong tinatahak nito ay inaasahang hihina na ito sa mga susunod na oras.
Inaasahan din aniyang dadaanan ni "Pablo" ang Agusan del Sur, Misamis Oriental, Negros Oriental at hilagang Palawan.
Nananatili namang maganda ang panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ngunit makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan o isolated rainshowers. (DZMM)