Thursday, November 1, 2012

3 sugatan sa jet blast sa Kalibo airport


KALIBO, Aklan - Tatlong katao ang sugatan makaraang mabugahan ng malakas na hangin mula sa pa-take-off na eroplano sa Kalibo International Airport sa Brgy. Pook, Kalibo, Aklan.

Napag-alaman ng Bombo Radyo Kalibo ang mga biktima na sina April Joy Gallito, 19, ng Metro Manila, Reywel Fernandez ng Kalibo, Aklan, at Lyn Germoso ng Sagay City, Negros Occidental.

Nagtamo ang mga biktima ng mga sugat sa katawan dahil sa lakas ng kanilang pagkakatilapon sa damuhan sa gilid ng kalsada.

Sa imbestigasyon ng Kalibo PNP station kaninang madaling araw, lumalabas na papunta sanang Brgy. Tambak, New Washington, Aklan ang magkakabarkada sakay ng isang motorsiklo nang dumaan ang mga ito sa kalsada malapit sa airport.

Eksaktong papa-takeoff ang eroplano na naging dahilan kaya nahagip sila ng jet blast na nagresulta sa aksidente.

Sa ngayon nananatiling naka-confine ang isa sa mga biktima sa Aklan Provincial Hospital matapos magtamo ng maraming gasgas sa katawan, habang ang dalawang kasama nito ay ini-refer sa out-patient department.

Noong nakaraang taon, isang lalaki rin ang nabiktima ng jet blast kaya naglagay na ng warning sign ang pamunuan ng airport sa naturang lugar.

Source : BomboRadyo