"Nilaslas ang lalamunan, may bakas ng matigas na bagay na sinaksak sa ulo at sintido, maga ang mata sanhi ng mga suntok, bugbog-sarado at maraming pasa sa katawan."
Ganyan inilarawan ng mga rumespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang dalaga na nilagare ang mukha at nakita na lamang ng mga residente habang palutang-lutang ang bangkay sa isang palaisdaan sa Bgy. Dampalit sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay SPO1 Edcel dela Paz ng Malabon City Police, talagang hindi umano bubuhayin pa ng mga suspek ang biktimang si Julie Ann Guttierrez y Marasigan, 25, nakatira sa No. 75 Doña Juliana Subdivision sa nabanggit na barangay, kung pagbabasehan ang pahirap na dinanas nito sa kamay ng mga kriminal.
Natagpuan din malapit sa bangkay ng biktima ang isang metal saw o lagareng bakal na pinaniniwalaang ginamit upang butasin ang ulo at sintido ng dalaga ng mga walang awang suspek.
Kahapon ng hapon ay napag-alaman na nagtungo na sa Station Investigation Division ng Malabon City Police ang mga kaanak ng biktima kung saan lumutang ang pangalan ng isa sa mga suspek na kinilala sa pangalang Vic Martin Buenaventura y Flores, alyas "Vic Vic," na huling nakitang kasama ng dalaga. Bukod kay Vic Vic mayroon pa umano itong kasamahan na dalawang suspek ng isagawa ang krimen ngunit hindi muna ibinunyag ng pulisya upang hindi mabulabog ang kanilang follow-up operation upang maaresto ang dalawa pang kasabwat.
Base na rin umano sa testimonya ng mga nakasaksi, huling nakitang pumarada ang biktima sakay ng kanyang scooter malapit sa pinangyarihan ng krimen na 'di kalayuan sa bahay ng isa sa mga suspek.
Nalaman din ng pulisya mula sa isang malapit na kabarkada ng dalaga na tumangging pangalanan na nagpaalam umano sa kanya ang biktima na may katatagpuin na lalake bago mangyari ang karumal-dumal na krimen. Sinabi pa umano ng biktima na madalas magpaalam sa kanya ang biktima sa tuwing may kakatagpuing lalake ang biktima bilang bahagi umano ng "trabaho" nito.
Isasailalim naman sa autopsy ang bangkay ng biktima upang malaman kung ginahasa rin ito bago pinatay.
Sources: Aira Santos and Remate, Everythinginbudget