Source : www.abs-cbnnews.com
Mali-maling pangalan, birthday, lugar ng kapanganakan, edad at maging relihiyon ang lumabas sa mga birth certificate ng mga Pinoy na ito na nagtatrabaho sa isang plantation sa Sabah na inilakad ng isang recruitment agency at kanilang binayaran sa halagang 250 ringgit o may P3,500.
Nang dinala ko sa hepe ng NSO ang kopya ng mga birth certificate na ibinigay sa mga manggagawang Pinoy sa Sabah, kinumpirma nito na peke ang naturang mga papeles at ni hindi ito pumasok sa kanilang database.
“May mga kulang dito na kung titignan ng local civil registrar, hindi dapat ito tinanggap. Pangalawa, ‘yung authentication na naka-stamp dito, mukhang hindi ito ‘yung totoo,” sabi ni NSO administrator Carmelita Ericta.
Ibig sabihin, naloko ang mga Pinoy na ito.
Naunang tinanggi ng may-ari ng Pinoy resources na peke ang kanilang mga dokumento.
Ang problema nito, marami nang na-isyung pasaporte, base sa mga birth certificates na kinuha raw sa Pilipinas ng naturang employment agency.
“Dapat talaga mahinto ang practice dahil oras na ‘yan ang nakalagay sa passport mo, forever na ‘yan na nasa records ng DFA,” sabi ni Susan “Toots” Ople ng Blas Ople Policy Center.
Inaalam na rin ng DFA sa Maynila kung paano ito nangyari.
Iimbitahan na rin nila ang NSO para pumunta sa Kota Kinabalu.
“Mayroon naman silang binabayad na service fees, mga agencies na tumutulong sa kanila but we have to make sure na ‘yung serbisyo na binibigay sa kanila ay tama din naman po,” sabi ni DFA Assistant Secretary Jaime Victor Leda, hepe ng passport division.
Pero, ilang lider ng Filipino community sa Kota Kinabalu ang mismong nagpadala na ng mga dokumento sa mismong embahada ng Pilipinas sa Malaysia tungkol dito.
Ayon naman sa NSO, posible na ipa-blacklist nila ang mismong recruitment agency na kumita para magbigay lamang ng pekeng birth certificates. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino