Tuesday, July 1, 2014

Game 2 ng Best of 3 finals ng UNTV Cup Season 2, ngayong Martes na!


MANILA, Philipppines — Masasagot ngayong Martes, July 01 kung tatanghaling kampeon ang PNP Reponders o mahahatak pa ng AFP Cavaliers ang best-of-three championship series ng UNTV Cup Season 2 sa game 3 sa kanilang pagsasagupa sa Araneta Coliseum.


Noong Game 1, namayani ang Responders sa Cavaliers sa score na 74-64 at umusad ang mga Pulis ng isang hakbang upang tanghaling kampeon ng UNTV Season 2.

Inaasahan na gagawa ng malaking adjustment ang Cavaliers upang maitabla ang serye sa 1-1.

Isa na rito ang higit pang pagpapalakas sa kanilang opensa na inaasahang babalikatin at pangungunahan ni Air Force Staff Sergeant Alvin Idanan.

Pahayag ni Cavaliers Asst. Playing Coach PFC Sonny Manucat, “Maliliit eh, kelangan may tatao kay Omiping. So mis-match siya kay Omiping. So yun ang nangyari hindi namin maipasok nagkakaroon ng mis-match. So, pag-aaralan namin, magkakaroon kami ng game plan uli.”

Para naman sa Responders, hindi na ito papayag na makatabla pa sa serye ang Cavaliers kaya tiyak na hindi lamang kay PO2 Ollan Omiping at PO2 Ronald Abaya, magko-concentrate ang kanilang atake.

Pahayag ni PNP Responders Head Coach Raffy Gonzales, “Nakita naman natin na binox nila si Ollan at saka si Abaya. So kelangan pumutok pa ang ibang players ko, mag-step up pa.”

Panawagan naman ni UNTV Cup Season 1 MVP PO2 Ollan Omiping, “Kailangan ko lang talaga ng tulong ng mga team mates ko. Hindi ko kayang lusutan, matigas eh talagang mga Army talaga, AFP eh.”

Aminado rin ang PNP na mahirap na kalaban ang AFP kaya mas magiging agresibo sila hindi lamang sa opensa kundi maging sa depensa.

Para naman kay PNP Point Guard PO2 Japhet Cabahug, “Sa AFP, wala kang hindi pwedeng bantayan (kasi) lahat magagaling dun.

Ayon sa AFP, gagamitin nito ang battle cry na “Believe and Achieve” upang mahatak ang serye sa Game 3.

Ani AFP playmaker Alvin Zuñiga, “Gagawin namin ngayon, not just outside, magdadagdag kami ng inputs sa defense para makapag-adjust kami sa opensa nila dahil napakaganda ng ginawa nilang offense.”

Para naman ni Cavaliers #33 PFC Eugene Tan, “Napagdaanan na namin ito, pipilitin namin makabawi. May Game-3 pa yan, pipilitin namin.”

Pahabol naman ng The Sniper Ollan Omiping, “Ito ang responde namin. So, ito na talaga yun. Amin na yan next game.” (PONG MERCADO / UNTV News)

Source : UNTVCUP