Mistulang naghugas-kamay ang Malacañang sa big-time power rate increase na ipatutupad ng Meralco at ikinatuwirang dikta ito ng merkado kasabay ng pagsasabing pansamantala lamang umano ito kapag bumalik na ang operasyon ng Malampaya natural gas plant sa Disyembre 11.
“The impending rate hike is caused mainly by the maintenance shutdown of the Malampaya natural gas plant that was scheduled from November 11 to December 10, 2013. According to MERALCO the increase is temporary,” paliwanag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr.
Sa kabila ng mga batikos sa napipintong pagtaas ng halaga ng kuryente at sa kawalang aksyon ng pamahalaan ukol dito, sinabi pa ni Coloma na hindi umano dapat mabahala ang taumbayan dahil babalik din sa dating presyo ang kuryente sa sandaling bumalik na sa operasyon ang
Malampaya.
“Samakatuwid po hindi na tayo dapat maligalig doon sa pagpapalit o pagbabago ng presyo ng singil sa kuryente dahil katulad ng presyo ng singil sa mga produktong petrolyo, ito ay market driven
na,” pahayag ni Coloma.
Epekto aniya ito ng Electric Power Industry
Reform Act (EPIRA) na pinagtibay noong 2001 kung saan nakadepende ang presyuhan ng kuryente sa supply and demand.
Gayunpaman, sinabi ni Coloma na hindi umano nagpapabaya ang gobyernong Aquino sa kapakanan at interes ng taumbayan lalo na ang mga mahihirap na pinakaapektado sa power rate hike, at oil at LPG price increase.
Handa rin umano ang Malacañang na suportahan
ang anumang pagbabago sa nasabing batas para maproteksyunan ang mga consumer lalo sa pass on charge kung saan maging ang nawawalang kuryente sa mga power distributor ay ipinapasa sa taumbayan.
Abante Tonite News