Naging emosyunal si DSWD Sec. Dinky Soliman sa mga batikos mula sa international media na nagsasabing mabagal at walang koordinasyon ang ginagawang relief operations ng gobyerno sa mga naging biktima ng super typhoon Yolanda.
Sa isang panayam kay Soliman, sinabi nito na hindi totoo na walang ginagawa ang pamahalaan sa mga "Yolanda survivors."
Sa katunayan ayon sa kalihim, nagdo-double at triple time na sila sa paggawa ng kanilang trabaho matugunan lamang ang mga pangangalangan ng libu-libong naapektuhang residente.
Kasunod nito umapela si Sec. Soliman nang konting pang-unawa at pasensiya na bagama't mabagal ang kanilang operasyon pero hindi nila pinababayaan ang mga sinalanta ng malakas na bagyo.
Una rito, binatikos ng international media partikular ng dalawang leading news network sa mundo, ang administrasyon ng Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa pagtugon sa kalamidad na kinakaharap ng bansa matapos ang pananalasa ng super typhoon Yolanda.
Pinuna ng CNN top anchor na si Anderson Cooper na ngayon ay nasa Tacloban City ang aniya'y disorganisadong relief operation.
Bagama't limang araw na aniya ang nakalipas nang humagupit ang bagyo, wala man lang siya nakitang kahit isang feeding center.
"It is a very desperate situation, among the most desperate I've seen in covering disasters...You would expect perhaps to see a feeding center that had been set up for 5 days after the storm. We haven't seen that, not in this area," ang report ni Cooper.
Continue Reading at Bomboradyo