Nagbanta ng economic sanction ang gobyerno ng Hong Kong laban sa Pilipinas kapag wala umanong progreso sa pag-uusap ng magkabilang panig sa nangyaring Manila hostage incident noong 2010.
Bago ang debate ngayong araw ng mga mambabatas sa Hong Kong kaugnay sa balak na sanction laban sa Pilipinas, sinabi ni Hong Kong leader Leung Chun-ying na dapat gumawa ng kongkretong hakbang ang Philippine government sa madaling panahon.
"I declare that unless we obtain steady progress within a month, the (Hong Kong) government will take necessary sanctions action," ani Leung.
Bagama't hindi tinukoy ng Hong Kong leader kung ano ang partikular na sanction na balak ipataw sa Pilipinas.
Nabatid na humihirit ng kompensasyon at apology mula mismo kay Pangulong Benigno Aquino III ang Hong Kong government, sa pagkamatay ng walo nilang kababayan matapos hinostage ng sinibak na pulis na si Rolando Mendoza ang bus na sinasakyan ng mga biktima.
Subalit una nang nanindigan ang Pangulong Benigno Aquino III na hindi magso-sorry sa Hong Kong.
Ang lungsod ng Maynila ay gumawa rin ng hakbang sa pamamagitan ng pagpapaabot ng "sorry" na pinagtibay ng konseho.
Personal pang nagtungo ng Hong Kong si Manila city councillor Bernie Ang para ipaabot ang ipinasang resolusyon ng pamahalaang lungsod para sa inaalok na apology at kompensasyon sa mga biktima.
Bukas ng Miyerkules nakatakdang pagbotohan sa Hong Kong Legislative Council ang panukala ng ilang mambabatas para sa tuluyang pagkansela sa umiiral na "visa waiving requirements" sa pagitan ng special administrative region at Philippine government.
Bagama't tumanggi pang magkomento sa isyu, pero sinabi ni Hong Kong Secretary for Security Lai Tung-kwok, na nakahanda umano ang kanilang gobyerno na pakinggan ang posisyon dito ng mga mambabatas.
Una nang inihain ni New People's Party head Regina Ip, na dapat ay suspendihin ng Hong Kong ang ibinibigay na "visa-free entry" sa mga Filipino nationals sa gitna nang pagmamatigas ng pamahalaang Pilipinas sa iginigiit na official apology sa mga biktima ng madugong Manila hostage-taking incident.
Bombo Radyo