The President of the Republic of the Philippines, President Benigno Simeon Aquino III made an official statement regarding the current issues involving the Priority Development Development Assistance Fund (PDAF) or more popularly known as the Pork Barrel Fund.
Here’s the complete Transcript of President Aquino’s Speech:
Pambansang Pahayag ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Mula sa Palasyo ng Malacañan
Inihayag sa isang live telecast
[7:45 n.g., ika-30 ng Oktubre 2013]
Mga minamahal kong kababayan, magandang gabi po.
Nitong mga nakaraang buwan, lumitaw ang ilang mga paksang naging sentro ng pampublikong diskurso. Kabi-kabilang tinig po ang narinig natin, at baka po mayroon na sa ating nahihilo sa usaping Pork Barrel at DAP. Humihingi po ako ngayon ng kaunting oras upang liwanagin ang mga isyung ito.
Nakikita na po siguro ninyo ang nangyayari ngayong bangayan. Sa isang panig, kayo at ang gobyernong binigyan ninyo ng mandato para sa pagbabago, na tatlong taon at limang buwan nang gumagawa ng reporma, naghahabol sa corrupt, at kumakalinga sa mahirap. Sa kabila naman ay ang mga tiwaling opisyal na diumano’y sangkot sa Pork Barrel Scam.
Baka po may nakakalimot sa atin: Pagnanakaw ang tunay na ugat ng isyung ito. Iyan po ang usapang pilit nilang tinatabunan, matapos mabisto ang kanilang kalokohan. Napapailing na nga lang po ako, dahil ang una kong inasahan, papabulaanan nila ang mga akusasyon. Di po ba’t iyan ang natural na tugon ng kahit sinong akusado? Sa hinaba-haba ng mga kontra-paratang na ibinabato sa atin, ni minsan, hindi ko narinig ang katagang at statement na “Hindi ako nagnakaw.”
Sana nga po, alang-alang sa inyong mga nagtiwala at bumoto sa kanila, ay tinutupad ng mga opisyal na ito ang kanilang sinumpaang tungkulin. Sana nga po, may paliwanag kung paanong nangyaring ang mga benepisyaryo ng pekeng NGO na pinili nila, ay listahan lang pala ng mga board passer na hinugot lang mula sa diyaryo. Pero parang ang hirap na pong maniwala sa mga palusot, kung sa paulit-ulit nilang paggamit ng pare-parehong NGO, ni minsan ay hindi nila sinilip kung nakakaabot sa taumbayan ang perang inilaan nila para dito. Medyo mahirap o imposible na po talagang ipaliwanag ito.
Sa sobrang hirap nga pong ipaliwanag, tila sinunod na lamang nila ang payo ng isang matandang pulitiko sa kanilang kampo: Kung hindi mo kayang ipaliwanag, palabuin mo na lang lahat; kung hindi mo kayang bumango, pabahuin mo na lang lahat; kung hindi mo kayang gumuwapo, papangitin mo na lang lahat. Narinig naman ninyo ang hirit nila: Pare-pareho lang naman daw kaming lahat.
Ang tugon ko po diyan: Hindi tayo pareho. Hindi kami nagnakaw, at hindi kami magnanakaw; kami ang umuusig sa mga magnanakaw. Itinalaga po natin ang mga taong may paninindigang tuparin ang kanilang mga sinumpaang tungkulin. Di po ba’t ang itinalaga nating liderato ng Commission on Audit ang sumuyod sa mga dokumento, kaya’t natuklas ang mga pang-aabuso sa PDAF? Di ba’t nakakaasa tayo ngayon sa patas at makatarungang imbestigasyon, dahil katuwang sa tuwid na daan ang Ombudsman na atin ding itinalaga?
Linawin na rin po natin: Hindi pork barrel ang Disbursement Acceleration Program. Sa kabuuang DAP releases noong 2011 at 2012, siyam na porsyento po nito ang ginugol sa mga proyektong iminungkahi ng mambabatas. Hindi rin po pagnanakaw ang DAP. Ang pagnanakaw, ilegal; ang paggastos gamit ang DAP, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon at sa iba pang mga batas. Pangalan lang ang DAP ng isang proseso ng paggastos sa perang natipid, at sa iba pang nalikom na kita ng inyong gobyerno. Saan po nanggaling ang perang ito? Nagmula ito sa pagtitigil natin sa kuntsabahan sa kontrata, tong-pats, overpricing, at kickback. Nagmula ito sa maayos na paggugol ng budget. Nagmula ito mula sa dagdag na kita mula sa matinong koleksyon ng buwis. Nagmula ito sa tapat na pamamahala sa mga GOCC; halimbawa ang MWSS, na dating nababaon sa utang, pero ngayon, taun-taon nang nag-aabot ng dibidendo sa gobyerno. Savings, above-target na koleksyon, at mga bagong revenue ang resulta ng tamang pamamahala. At dahil sa DAP, naitutok ang pondo sa mga proyektong nasa loob rin naman ng budget at totoong may pakinabang sa atin.
Paano gumagana ang mekanismong ito? Simple lang po. May mga ahensya, na sa iba’t ibang kadahilanan, hindi agad naipapatupad ang mga proyekto nila; mayroon namang masigasig at mabilis magpatupad ng mga proyekto. Kapag naantala ang pagpapatupad ng proyekto, natural, hindi rin ito gugugulan ng pondo. Hindi po natin hinahayaang matulog ang pondong ito: humanap tayo ng programang nakapila sa ilalim ng ahensyang mabilis magpatupad, at doon natin itinutok ang pondong natipid, pati na rin ang dagdag na perang kinita ng ating gobyerno. Mas mabilis at napaaga ang pagdating ng benepisyo sa mamamayan, at mas masinop at epektibo nating nagugol ang perang taun-taong nakalaan sa ilalim ng Pambansang Budget.
Kayo nga po ang magsabi: Mali ba ito? Kailan ba naging masama ang paghahanap ng konstitusyonal na paraan para makapaglingkod ng mas epektibo sa taumbayan? Dahil po sa DAP, napondohan ang Project NOAH, na nagbibigay ng tama at agarang babala kung may sakuna. Dahil din sa DAP, sa ilalim ng Training-for-Work Scholarship Program ng TESDA, mayroong halos 150,000 na Pilipino ang napag-aral; di bababa sa 90,000 sa kanila ang may trabaho na ngayon. Nakinabang din po ang ating Air Force at kapulisan; nakapagpatayo tayo ng kalsada, classroom, at ospital sa Mindanao at sa iba pang bahagi ng bansa; naibalik ang benepisyo ng mga empleyado ng DepEd noong nabayaran ang kanilang GSIS premiums na matagal nang di nababayaran ng pamahalaan; at marami pang ibang programa at proyektong may tunay na pakinabang sa Pilipino.
Malaki rin ang naitulong ng DAP sa nangyayaring pag-arangkada ng ating ekonomiya. Sabi pa nga ng World Bank, nag-ambag ang DAP ng 1.3 percentage points sa ating GDP growth noong ikaapat na quarter ng 2011. Ikumpara po natin: Hindi ba’t noong sila ang nasa poder, “Sick Man of Asia” ang tawag sa atin? Ngayon, mamili na kayo sa mga bagong bansag sa atin ng mundo: Asia’s fastest growing economy, Rising Tiger, Brightest Spark. Isama pa diyan ang nakuha nating investment grade status mula sa tatlong pinakatanyag na credit ratings agency. Ang pag-angat nito, at ang tinatamasang benepisyo ng ating mga kababayan, lalo na ng mga nasa laylayan ng lipunan–ito po ang bunga ng tamang paggastos, sa halip na pagnanakaw. Ang perang dating kino-corrupt, napakinabangan na ng taumbayan, lalo na ng mahihirap.
Ipaliwanag na rin po natin itong President’s Social Fund. May mga pagkakataon po na kailangan ng agarang pondo para tumugon sa mga biglaang pangangailangan. Halimbawa: ang tulong para sa pamilya ng sundalo’t pulis na nasawi sa pagreresponde sa MNLF-Misuari Faction sa Zamboanga, gayundin sa paghahatid ng ayuda nang sumalanta ang bagyong Sendong. PSF po ang pinanggagalingan nito; kung wala nito, kung walang calamity o contingency funds, mananatili ang ating mga kababayang nagdurusa.
Dahil noong araw, inabuso ang pondong ito, baka raw abusuhin namin ito ngayon–kahit walang paratang ng pagnanakaw o kamalian ng paggamit. Ang mungkahi ng ilan, tanggalin na lang. Tanong po: Makatuwiran po ba ito? Maganda po sana kung ganoong kasimple, pero paano po kung magkaroon ng sakuna? Buwenas na tayo kung may session sa Batasan; mahina po ang apat na buwan ng debate at pakikipagpalitan ng sulat sa Kongreso bago maaprubahan ang pondong puwedeng gugulin. Kung ikaw ang nasa Zamboanga City, at humihilab ang sikmura ng anak mong iyak nang iyak, matatanggap mo ba kung sabihin sa iyo ng iyong gobyernong, pasensyahan muna tayo? May pera naman po, at may sapat tayong mekanismo upang siguruhing mapupunta ito sa dapat kalagyan. Tama bang ipagkait ang kalinga sa ating mga kababayan?
Uulitin ko po: Pagnanakaw ang isyu dito. Hindi ako nagnakaw. Pero ang mga diumano’y nagnakaw ay siyang nagpapasimuno ng kalituhan; gustong kaladkarin pababa ang lahat ng ating pinaghirapang maabot dito sa tuwid na daan. Tayo ang ninakawan, tayo ang niloko, tapos tayo pa ngayon ang pinagpapaliwanag. Tayo ang patuloy na naghahanap ng katotohanan, tayo ang nagbawas nang nagbawas sa mga mekanismong maaaring gamitin para abusuhin ang kapangyarihan―tapos, tayo pa ngayon ang pinaparatangang “Pork Barrel King.”
Ito po ang masasabi ko sa kanila: Kung sa tingin ninyo, titigil ako sa pag-usig; kung sa tingin ninyo, maililihis ninyo ang atensyon ng publiko; kung sa tingin ninyo, makakatakas kayo sa pagnanakaw; nagkakamali kayo ng tantya sa akin, at sa taumbayang Pilipino. Baka naman po may natitira pang kabaitan sa inyo. Sana po, gumawa na kayo ng kilos para naman sa kapwa ninyo, at hindi lang para sa sarili.
Nang bumalik sa bansa ang aking ama noong ika-21 ng Agosto 1983, may nakahanda siyang talumpati. Hindi na ito narinig ng mga Pilipino dahil sa tarmac pa lang, pinaslang na siya. Sa talumpati, sinipi niya si Archibald MacLeish: “How shall freedom be defended? By truth when it is attacked by lies.” Ngayong sinusubok ng mga kasinungalingan at panlilinlang ang karapatan ng mga Pilipinong magkaroon ng isang tapat na pamahalaan, tanging katotohanan lamang ang wastong sandata. Sa gabing ito, inilatag ko sa inyo ang tunay na konteksto ng mga nangyayari sa ating bayan. Mangyari po sanang sa darating na mga araw, pag-usapan ninyo ito sa kani-kaniyang mga pamilya, grupo, at komunidad, at doon bumuo ng sariling mga kaisipang nakatuntong sa katotohanan.
Mga Boss, marami na tayong pinagdaanang laban. Nagpapasalamat ako dahil gaano man kasahol ang mga paninira at pagsasabotahe, hindi kayo bumitiw, hindi kayo sumuko, at pinatunayan nating walang maaapi kung walang magpapaapi. Ngayon, ang mga tila nagsamantala sa atin ang gustong idiskaril ang kurso natin tungo sa ating mga pangarap. Hindi ako naniniwalang papayag kayo dito. At habang nandiyan kayo, patuloy akong maninindigan.
Panatag ang loob ko, nasa poder man ako o hindi, na kayo mismong mga Boss kong maayos ang kaisipan at nasa tamang lugar ang puso, ang magpapatuloy at magtatapos ng laban. Dito nagmumula ang aking lakas at katatagan ng loob. Di ba’t kailan lang, ang umiiral na siste ay isang taumbayang nagsawa nang mangarap, nagsawa nang pumalag, nagsawa nang makiambag? Ngayon, napakarami na nating sama-samang pumapanday ng positibo at makabuluhang pagbabago sa lipunan. Tiwala akong mas masigasig pa ninyong papanigan ang tama, ang makatotohanan, at ang makatarungan. Kaya nagpapasalamat ako, dahil alam kong tuloy na tuloy pa rin ang ating martsa sa tuwid na daan.
Muli, isang magandang gabi po sa inyong lahat.