ICELAND - Muling nagtala ng kasaysayan at itinaas ang bandila ng Pilipinas ni Filipino Grandmaster (GM) Wesley So sa katatapos na Reykjavik Open chess championship sa bansang Iceland.
Ang nangyaring laban ni So at GM Pavel Eljanov ng Ukraine ay nagtapos sa draw at nangangahulugang tabla sila para sa first place.
Ayon kay National Chess Federation of the Philippines (NCFP) President Prospero "Butch" Pichay Jr., gamit ang itim na piyesa, sa loob lamang ng tatlong moves nagawang isalba sa tabla ni So ang laban.
Sinabi pa ni Pichay, tinanggap ni Eljanov ang draw offer ni So para mag-tie sa first place kasama ang Egyptian Grandmaster na si Bassem Amin na nanalo sa last round kontra kay GM Grzegorz Gajewski ng Poland sa pamamagitan ng 52 moves gamit ang Sicilian defense.
"Tinanggap ni GM (Pavel) Eljanov ang draw offer ni GM (Wesley) So para mag-tie for first sila kasama 'yong Egyptian Grandmaster (Bassem Amin) na nanalo naman sa last round," wika ni Pichay.
Nagtala ng 8.0 points sa anim na panalo at apat na draw ang Bacoor, Cavite native.
Makakatanggap ng 8,250 euros o nasa mahigit P437,000 sina So, Eljanov at Amin.
Ang sinalihang tournament ni So ay magsisilbing warmup games para sa 2013 World Chess Cup na gagawin sa Norway sa buwan ng Agosto.
Source : Bomboradyo