Duda si Sen. Gregorio Honasan kung sino ang tunay na makikinabang sa planong dagdag singil sa pasahe sa mga MRT at LRT sa Metro Manila.
Ayon kay Honasan, hindi maikakaila na iba ang makinabang sa gagawing ito ng gobyerno na magpataw ng P10 sa kasalukuyang pamasahe na magsisimula sa Enero ng susunod na taon.
Ang ginawang basehan ng senador ay ang mga ulat na umano'y planong bilhin o isapribado ang LRT at MRT ng mga malalaking negosyante sa bansa.
Sakali aniyang maisapribado ito, tiyak na hindi taongbayan at gobyerno ang makikinabang sa dagdag pasahe kundi ang negosyanteng nakabili ng nasabing transportasyon.
Kinuwestyon din ng senador ang agarang pagpapataw ng dagdag pasahe sa tren gayong wala naman siyang nakukuhang report na nagkaroon ng public hearing para dito.
Sa mga nagdaang pagsasapribado, lagi aniyang lugi ang pamahalaan dahil hindi naman nailalagay sa maayos na serbisyo ang anumang pag-aari ng gobyerno bagkus lalo pa ngang nalulugi.
Isang milyong pasahero kada araw ang sumasakay sa MRT at LRT kung saan 32 percent dito ay mga estudyante, 49 porsiyento ang mga ordinaryong manggagawa, 10 percent ang walang mga trabaho at 9 percent ang iba pang sektor.
Source : Bombo Radyo Philippines