Aabot sa 661 manholes ang nawawala sa Metro Manila, base sa tala ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Sa panayam ng DZMM TeleRadyo, sinabi ni MMDA Chairman Atty. Francis Tolentino na maaaring bunsod ito ng ilang road repair at construction ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan naiiwang nakatiwang-wang ang mga manhole sa mga pangunahing lansangan sa kalakhang-Maynila. "Ito po 'yung imbentaryo ng aming flood control monitoring teams na 'di umano'y nalagyan ng asphalt overlay pero ang pagkaka-alam ko po dito ay aaksyunan na ito ng DPWH-NCR Regional Director at siguro ang mananagot dito ang private contractors na nag-overlay po nito. Kasi usually gabi po ito ginagawa, lalong-lalo na 'yung pag nagmamadali sila, galing po sa batching plant 'yung mga aspalto na hindi na pwedeng isauli."
Nangangamba naman si Tolentino dahil banta ito sa kaligtasan ng mga pedestrian at motorista, partikular tuwing bumabaha. Bukod dito, mahihirapan umano silang alisin ang bara tuwing tagbaha dahil tinapalan lang pansamantala ng aspalto ang mga nawawalang manhole. "Iyon na nga po ang nakakalungkot diyan, kailangang-kailagan po 'yan lalo ngayong tagbaha dahil iyun po ang aming dine-declog kung sakaling merong mga bara,"
Sinabi naman ni Tolentino na inaaksyunan na ng DPWH ang naturang problema. "Alam ko po meron nang iniutos, may direktiba na po ang ating kalihim ng DPWH at aaksyunan po nila ito," aniya. Samantala, ibinahagi ni Tolentino na may 182 truck ng basura ang nakolekta ng MMDA matapos ang kasagsagan ng ulan kamakailan.
Pinag-aaralan na din ngayon ng MMDA kung may kinalaman ang pag-ba-ban ng mga plastic sa hindi pagtaas ng baha sa isang lugar. Inihalimbawa ni Tolentino ang lungsod ng Muntinlupa at Pasig na nagbaba ng plastic ban at naiulat namang walang pagbaha kahapon. "Ito pong nangyaring ito, inaaral namin 'yung relasyon ng plastic ban dito sa pagbaha...'Yung ating lungsod, na unang lungsod na nag-implement ng plastic ban, sa Muntinlupa, walang report ng pagbaha kahapon. Ganun din po ang Pasig, may plastic ban at wala report ng pagbaha," ani Tolentino. "Baka may direct relation ung plastic ban dahil kahit itapon nila ay nalulusaw po kung ang balot ay papel lamang kaysa sa plastic na sumasabit sa drainage," dagdag niya.
Naniniwala si Tolentino na kung mapatunayan ang relasyon ng dalawa ay maiiwasan na ang matinding pagbaha sa Metro Manila. Hinikayat naman ng opisyal ang mga mamayan na maging responsable sa kanilang kapaligiran dahil "malaki ang magiging epekto sa ating lugar lalong-lalo na tuwing malakas ang ulan."
Source: DZMM Radyo Patrol and UNTV Web