Bunsod ng kakapusan ng mga nurses sa mga pampublikong ospital dahil sa mas pinipili ng mga ito na mag-abroad sa halip na manatili sa bansa ang nagtulak sa ilang kongresista na dagdagan ang tinatanggap na suweldo ng health workers.
Isinusulong ng mga mambabatas sa Kamara ang pagtataas ng sahod ng mga nurse upang maka-engganyo ng mga bagong nursing graduates na manatili sa Pilipinas sa halip na magtrabaho sa ibang bansa.
Inihain ang House Bill 5230 na iniakda nina Bayan Muna Reps. Teddy Casiño at Neri Javier Colmenares; Anakpawis Rep. Rafael Mariano; Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Luzviminda Ilagan; Kabataan party list Rep. Raymond Palatino at Act Teachers Rep. Antonio Tinio.
Sa ilalim ng nasabing panukala ang minimum salary grade level ng mga nurses sa public hospitals at iba pang health institutions ay ia-upgrade mula sa Salary Grade 11 sa Salary Grade 15.
Batay sa ulat Alliance of Health Workers, ang mga nurses na dapat sumasahod ng P24,887, na katumbas ng Salary Grade 15 base sa Nursing Act of 2002, ay tumatanggap lamang ng P15,649, o katumbas ng halaga na nasa Salary Grade 11.
“The bill will rectify the gross neglect of these public servants and encourage them to work in the country instead of going abroad,” ayon pa sa mga mambabatas.
Sinabi ni Casiño na noong maipasa ng Kamara ang Republic Act 9173 o Philippine Nursing Act noong 2002, maraming mga public nurses sa bansa ang nag-akalang matataasan na ang kanilang sahod subalit nabigo ang mga ito.
(source: Abante Online)