By Rose Miranda, Abante Tonite - Kahit si Pangulong Benigno Aquino III ay aminadong dapat na baguhin ang sistema sa pagdedeklara ng suspensyon ng klase partikular sa tertiary/college level na madalas atrasado ang deklarasyon tuwing may masamang panahon.
Sa ambush interview kay Aquino, sinabi nito na minsan ay talagang nagkakalituhan sa announcement sa kanselasyon ng klase dahil ganado umano ang mga sangkot na government agencies na ma-disseminate nang maayos ang impormasyon sa publiko kaya plano niya na ayusin pa ang proseso para maiwasan na ang nasabing insidente.
“May konting overzealousness, ‘yung sobrang ganadong ma-disseminate lahat ito tuloy nagkakaroon ng confusion at times. I-streamline natin ang pro cess para ma-clarify lalo na sa tertiary level,” pahayag ni Aquino.
Kaugnay nito, naniniwala naman si Pangulong Aquino na hindi puwedeng panghimasukan palagi ng Commission on Higher Education (CHED) ang deklarasyon sa ‘no classes’ dahil iginagalang nila ang kalayaang magpasya ng mga unibersidad at kolehiyo na tiyak, aniya, na aalma kapag CHED ang mag-isang nagpasya sa isyu.
Ipinagtanggol naman ni Aquino ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at iba pang ahensya na sangkot sa pag-monitor at diseminasyon ng mga impormasyon tuwing may masamang panahon sa pagsasabing sa tingin niya ay tama naman ang ginagawa ng mga ito.