Saturday, July 30, 2011

Minimum na Sahod, SSS, PhilHealth sa Mga Kasambahay



Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang minimum na sahod at mandato na paghuhulog ng Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mga kasambahay.

Sa ilalim ng House Bill No. 4896 na inihain ni Rep. Lani Mercado-Revilla (2nd District, Cavite) layunin nito na amyendahan ang Labor Code of the Philippines, partikular na ang Chapter III of Articles 141, 142, 143, 148 at 151.

Nakasaad sa panukalang batas na ang mga household helpers, o mas kilala bilang kasambahay na namamasukan sa NCR ay dapat bayaran ng minimum salary na P3,000 habang ang iba na nasa chartered cities at first class municipalities ay bibigyan ng buwanang sahod na P2,500 at P2,000 sa iba pang munisipalidad.

Giit ni Revilla, ang hakbang ay bilang pagkilala kung gaano kahirap ang trabaho ng isang kasambahay.

Inaatasan din ang mga employers na gumawa ng kasulatan kung magkano ang buwanang sahod ng kanilang kasambahay at paanong paraan ito babayaran kabilang na dito ang kanilang taunang salary increase.

Ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBS) ang siyang naatasan na mag-review ng pasuweldo sa mga kasambahay kung tama ang ibinabayad sa kanila.

Bukod sa minimum wage dapat din nakalista ang duties at responsibilities ng mga kasambahay at kinakailangan din ilagay kung ilang oras ang trabaho gayundin kung kailan ang kanilang day off.
Pinagbabawal din sa panukalang batas ang pag-ipit ng sahod ng kasambahay o pagpilit na ibigay ang bahagi ng kanilang sweldo sa pamamagitan ng pananakot.

(source: Pilipino Star Ngayon)