Ramdam sa lungsod at lalawigan ng Iloilo ang pagyanig epekto ng magnitude 6.2 na lindol na tumama 93 kilometers, 66 degrees west ng Dumaguete City kaninang alas 4:47 ng madaling-araw na nasundan pa ng magnitude 5.7 at 5.5 na aftershocks.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Ramil Atando ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nakabase sa Roxas City, ang sentro ng lindol sa Dumaguete City ay may lalim na 17 kilometers.
Sa Oton, Iloilo, Dumaguete City at Binalbagan at Hinigaran, Negros Occidental, ay naramdaman ang intensity 4 habang intensity 5 naman sa Sipalay City.
Paliwanag ni Atando, tectonic in origin ang lindol na epekto ng paggalaw ng Negros trench.
Ayon sa Phivolcs, ang lindol ay konektado rin sa nangyaring pagyanig kahapon ng alas-12:43 ng madaling-araw sa Negros Occidental.
Sa panayam naman kay Allan Cabaron, ng OCD Dumaguete, iniulat nito na wala namang nakarating sa kanila na merong nasaktan sa naturang paglindol.
Sa lungsod ng Iloilo, isang motorsiklo ang bumangga sa isang de pampasaherong jeep nang mangyari ang pagyanig na tinatayang tumagal ng halos isang minuto.
Marami rin ang mga nagising sa kanilang mahimbing na tulog dahil sa naramdamang pagyanig.
Maging ang mga natutulog sa ilang hotels ay nagsilabasan din nang maramdaman ang malakas na pagyanig.
Ang pagyanig kaninang madaling-araw ay itinuturing na isa sa pinakamalakas na naramdaman sa Iloilo sa ngaong taon bagamat wala namang naitalang pinsala.
Pasado alas-6:00 ng umaga ay muling nakaramdam ng bahagyang aftershocks.
Maging sa Dipolog City at kalapit na lugar sa Zamboanga del Norte ay naramdaman din ang 6.2 magnitude na lindol.
Wala namang naiulat na nasaktan sa area sa naturang pagyanig.
Nag-abiso rin naman ang Pacific Tsunami Warning Center na walang anumang banta ng tsunami ang naturang lindol.
Pero naitala sa kanilang instrumento na umaabot ang lakas sa 6.6 magnitude ang lindol.
Gayunman ayon sa ahensiya, kadalasan ang ganitong kalakas na lindol ay maaaring magdulot ng local tsunamis sa coastline malapit sa earthquake epicenter sa nangyaring lindol.
Pagkalipas umano ng isang oras na walang tsunami wave na maobserbahan malapit sa epicenter ay masasabing wala ng peligro sa mga residente malapit sa karagatan.
(source: Bombo Radyo)