Isang importanteng nilalang, dahilan para masilayan natin ang ganda ng mundong ating ginagalawan. Siya ang tinatawag nating “Ilaw ng Tahanan.”
Maituturing ang Ina na pinaka-importanteng tao sa ating buhay. Isa siya sa mga pangunahing dahilan para tayo ay patuloy na mabuhay. Pero ano ang tunay na mukha ng isang Ina sa likod ng walang kasing-dakilang pagmamahal nito sa pamilya. Ano ka Ina sa lipunang ating kinabibilangan?
Mapalad ang isang pamilya na nabiyayaan ng isang dakilang Ina. Hindi maikakaila ang kanyang walang-pantay na pagmamahal para sa kanyang pamilya. Lahat kaya niyang gawin alang-alang sa kapakanan at ikabubuti ng kanyang tahanan. Larawan siya ng isang matibay na pundasiyon ng pamilya at higit sa lahat, tulay siya para linangin at hubugin ang pagkatao ng kanyang mga anak. Bilang isang Ina, obligasiyon niyang alagaan at gabayan ang kanyang mga anak para maging kapaki-pakinabang sa loob ng tahanan maging sa lipunang kanyang kinabibilangan. Isa itong importanteng aspeto para sa kung sino at ano ang kanyang anak sa hinaharap. Sa patuloy na nagbabagong lipunan, ang batang naturuan ng tamang asal at pag-uugali ay isang halimbawa ng taong marunong makipag-kapwa tao. Sapagka’t kung ano ang iyong pagkatao ay larawan ng tahanang iyong kinamulatan.
Sa isang banda, hindi matatawaran ang walang-kapantay na pag-aaruga niya sa kanyang pamilya. Sinisimulan niya ang trabaho sa madaling-araw hanggang sapitin ito ng hatinggabi na hindi alintana ang pagod at hirap. Ito ang kanyang karaniwang gawain sa loob ng isang araw. Nguni’t, higit na mas dakila ang mga Inang nag-ibayong dagat sa adhikaing bigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Mga Domestic Helper, Cleaner, Waitress, Receptionist o Nurse man, sila ay mga dakilang Overseas Filipino Workers (OFW) na tinaguriang Bagong Bayani ng makabagong panahon. Hindi matatawaran ang kanilang katapangang harapin ang hamon ng buhay. Hindi madali para sa kanila ang makipagsapalaran sa ibang lupain at itaya ang buhay sa nag-iisang mithiing maaayos na pamumuhay. At bilang isang anak, sana makita natin ang magandang adhikain ng ating mga Ina bakit kinailangan nila tayong iwan at lisanin ang ating bansa. Sana maisip natin kung ano ang hirap at sakit nila para sa pamilya. Sana huwag tayong magdamdam o maghinanakit sa mga pagkakataong wala sila sa ating tabi o sa mga mahahalagang okasiyon bagkus, atin silang intindihin at bigyan ng respeto at pagmamahal bilang ganti sa kanilang kabayanihan.
Bagama’t hindi lahat ay naaayon sa pagkakataon, mayroon namang mga Ina na sa pananaw ng iba ay hindi karapat-dapat sa pagiging isang Ina. May mga pangyayari na mismong mga anak ang nagtatakwil sa kanilang mga Ina sa paniniwalang sila ay inabandono at pinabayaan. Pero sa mga ganitong pagkakataon, hindi natin batid kung ano ang malalim na dahilan ng mga Ina para gawin ito. Maaaring may sapat na dahilan sila para basta na lang pabayaan at iwan ang kanilang mga anak sa kung kanino man. Ano man ito, tanging sila lamang ang nakakaalam. Bagama’t palasak na katotohanan, hindi maiiwasang magkaroon ng sama ng loob o galit sa puso ang mga batang naabandono’t napabayaan. Hindi madali para sa kanila na tanggapin ang kanilang naging kapalaran lalo’t lumaki sila sa piling ng ibang pamilya. Pero, walang sugat na hindi pinahihilom ng panahon. Walang kasalanan na hindi pinagbabayaran o pinagsisisihan. Sa una masakit, pero ano man ang pinangyari, ating isaisip na napakadakila ang pagmamahal ng isang Ina. Sadyang panahon na lamang ang makakasagot para tuluyan humupa ang sakit at maging maayos ang lahat. Ang importante, matutunan natin ang magpatawad, magparaya at tanggapin ang katotohanan para ating makamtan ang tunay na kaligayahan at kapayapaan.
Sa dalawang mukha ng Ina, isang dakila at isang nagpabaya, maituturing bang magkaiba ang kanilang pananaw sa buhay? Mas nananaig ba sa lipunan ang dakilang Ina kaysa sa pabayang Ina? Maaaring magkaiba ang kanilang pamamaraan pero hindi pwedeng pasubalian ang kanilang kadakilaan. Ito man ay positibo o negatibong pamamaraan, batid natin na kaya nilang hamakin ang kanilang mga sarili alang-alang sa pamilya. Pakatandaan, hindi natin pwedeng kwestyunin kung ano kanilang pamamaraaan sapagka’t walang Ina na naghangad ng masama para sa kanyang mga anak.
Sa lahat ng sakripisyo at pagmamahal na ipinagkaloob ninyo sa amin...
Maraming maraming salamat po.
Ang nagmamahal ninyong mga anak.
video credit - P&G and Overseas Filipino Workers (OFW)