Monday, December 16, 2013

22 na ang patay, 20 sugatan sa nahulog na bus sa skyway


Umaabot na sa 22 ang patay, habang nasa mahigit 20 ang sugatan sa nangyaring pagkahulog ng isang passenger bus sa skyway sa Taguig City kaninang madaling araw.


Nasangkot sa insidente ang isang Don Mariano Transit bus (ordinary) na nahulog habang nasa southbound lane at eksaktong dumaraan naman ang isang closed van sa ilalim ng skyway sa West Service Road sa South Luzon Expressway.

Witness Don Mariano bus was speeding (DZMM Video)

Sinasabing ang pangyayari ay naganap dakong alas-5:00 ng madaling araw.

Sa kuwento ng isang pasahero na si Ryan, sumakay umano siya ng bus sa bahagi ng Cubao sa Quezon City para pumasok sa trabaho sa Alabang, Muntinlupa.

Dahilan sa Lunes at maaga pa ay napansin niya na marami ang pasahero at ang iba naman ay inaantok pa.

Mabilis umano ang pagpatakbo ng driver sa bus habang nasa skyway sila.

Nagulat na lamang umano si Ryan, 25, nang mag-crisscross ang bus hanggang sa bumagsak sila sa kabilang side.

Ang kanyang ginawa, habang siya nakaupo sa kaliwang bahagi ng bus ay napakapit na lamang siya ng mahigpit sa bakal ng upuan.

Umikot daw ang bus sa ere hanggang sa bumagsak nang patihaya sa itaas ng van na nasa ilalim ng skyway.

Sinasabing madulas din ang kalsada dahil sa basa bunsod ng pag-ambon.


Para kay Ryan na nagtamo ng sugat sa kamay, milagro pa rin at nakaligtas siya.

Kahit papaano umano ay nagpapasalamat siya dahil sa buhay siya.

Isang namang nakasakay sa bisikleta ang sugatan at nadamay rin habang dumadaan nang mangyari ang insidente.

Source: BOMBO RADYO

Bus crashes from Skyway (EPA/DENNIS M. SABANGAN)