HINDI lamang mga nagkalat na kalansay ng tao ang bumungad sa bagong administrasyon ng North Cemetery sa isinagawa nilang “clean-up drive” kundi nabuking din nila ang ilang modus operandi ng dating namumuno sa naturang sementeryo kung saan ay kumita pa ang mga ito ng limpak-limpak na pera bago pa man umalis sa kanilang pwesto.
Ayon sa bagong Director ng North Cemetery na si Rafael “Raffy” Mendez, dating Chairman sa Barangay 131 Zone 11 ng Distrito II ng Maynila, nakapag-ipon sila ng 5 sako ng mga buto ng tao kung saan may apat hanggang limang kalansay ng tao ang laman ng bawat sako sa isinagawa nilang paglilinis sa loob ng sementeryo.
Pinalitan ni Mendez ang dating director na si Ed Noriega matapos na maupo bilang bagong alkalde si Mayor Joseph Estrada.
Natuklasan din nina Mendez sa isinagawang malawakang inspeksiyon ang walang patumanggang pagtatapon ng mga kalansay at bungo ng tao na iniaalis sa mga butas na kanilang ibinebenta.
Bukod dito, ibinunyag din ng naturang dating kawani na kinukulimbat din ng mga dating tauhan ng North Cemetery ang mga mapapakinabangan sa nakalibing na bangkay tulad ng gintong pustiso at ilang alahas na iniiwan ng mga kaanak sa namayapang mahal sa buhay.
Ilang araw na rin ang isinasagawang puspusang paglilinis ng mga tauhan ni Mendez sa kapaligiran ng kampo santo kung saan sako-sakong kalansay at bungo ang kanilang nakukuha na itinatapon lamang sa tabi-tabi
Ibinunyag pa ng hindi pinangalanang tauhan ng dating administrasyon ang pagbebenta ng mga “butas” sa mga apartment style sa loob ng North Cemetery kahit hindi pa man ito natatapos sa kanilang limang taon na kontrata.
Nanawagan naman si Mendez sa publiko na bukas ang kanyang opisina upang hingan nila ng tulong partikular na sa mga nawawalang puntod ng kanilang namatay na kamag anak.
by Jay Reyes Jul 9, 2013 4:14pm HKT