Wednesday, December 5, 2012

Umabot na sa mahigit 300' ang nasawi sa Compostela Valley province at sa Davao Oriental


Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nasawi na iniwan ng bagyong Pablo na umabot na sa 325 na karamihan ay nagmula sa Compostela Valley province at sa Davao Oriental.

Iniulat ni National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, nangangamba sila sa pagtaas pa ng bilang dahil paunti unti nang pumapasok ang impormasyon lalo na sa mga lugar na ngayon pa lamang napuntahan ng mga rescue team.

Sinasabing umabot na rin sa 401 ang sugatan ang naitala at mahigit pa sa 378 ang missing.

Samantala, kaagad idinepensa ngayon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas ang mga local government units sa mataas na bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong Pablo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng kalihim na hindi naman aniya nagkulang ang mga local officials sa pagbibigay ng abiso at babala sa publiko hinggil sa epekto ng bagyo.

Gayunman, sa kabila aniya ng mga paghahanda, nakalulungkot umano at mataas pa rin ang bilang ng fatalities.

Tinukoy pa ni Sec. Roxas na isang trahedya umano ang nangyari lalo na sa mga pamilya na nawalan ng mga mahal sa buhay.

"Wala namang pagkukulang dahil talagang tinutukan sila at nagbigay sila ng pag-aabiso, bagama't talagang nakakalungkot (marami ang namatay). Malungkot ito. Trahedya ito sa mga pamiya," ayon kay Roxas.

Dagdag pa ng kalihim, makikita naman umano ang pagiging masigasig ng mga lokal na pamahalaan na matugunan ang pangangailangan ng mga biktimang kababayan.

"Kung ikumpara naman natin sa nangyari noong bagyong Sendong, eh mababa na mababa naman itong biang na ito. Makikita naman sa pagri-responde at sa maagang paghahanda, naiwasan natin ang mas mataas na bilang ng pinsala." (bomboradyo)